Sasagwan ang anim na kataong delegado ng Philippine Canoe-Kayak Federation bitbit ang matinding hangarin na maiuwi ang gintong medalya sa paglahok sa 2016 ICF Junior & under 23 Canoe Sprint Championships sa Minsk, Belarus, sa Hulyo 23 hanggang Agosto 1, 2016.

Pinamumunuan ni 2013 SEA Games bronze medalist Hermie Macaranas ang koponan kasama ang beterano rin sa internasyonal na torneo na sina Ojay Fuentes, Jonathan Ruiz, John Paul Selencio, John Lester Delos Santos at ang tanging babae na si Rosalyn Esguerra.

“We are investing on these six young athletes for our target in 2020 Tokyo Olympics,” sambit ni PCKF National head coach Lenlen Escollante. “Hermie (Macaranas) fall short in the coming Rio Olympics pero hindi kami titigil na lang dito dahil mas target namin ngayon na hindi lang isa ang mai-qualify naming,” aniya.

Ang 20-anyos na si Macaranas, dating tagasagwan ng bangka sa Cebu, ay tumapos sa ikapitong puwesto sa ginanap na Canoe-Kayak Olympic qualifying event sa Singapore kung saan tanging ang unang apat na puwesto lamang ang makakasama sa Rio Olympics.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Nakapag-uwi ng apat na medalya sina Macaranas at Fuentes sa paglahok sa 2014 Southeast Asian Canoe Sprint Championships sa Marina Bay Reservoir sa Singapore, habang si Incheon Asian Games veteran Macaranas ay nagwagi ng pilak sa men’s 500-meter canoe singles.

Nakipagtambalan din siya sa 18-anyos na si Fuentes para maiuwi ang tansong medalya sa men’s 500m at 200m canoe doubles, bago idinagdag ang isang tanso sa men’s 200m canoe singles.

Walang tigil sa pagsasanay ang mga atleta sa Subic, gayundin ang Dragonboat team sa Manggahan Floodway. (angie oredo)