Tumulak patungong South Korea kahapon ang Philippine Continental Team 7- Eleven Sava Roadbike Phils upang lumahok sa unang pagkakataon sa Tour de Korea.

Bago umalis, umikot pa sa Mall of Asia ground ang koponan na pinamumunuan ni dating Le Tour de Filipinas champion Mark John Lexer Galedo.

Kasama rin sa koponan na naimbita upang sumali sa UCI (Union Cyclists Internationale) 2.1 classified race sina Marcelo Felipe, Dominic Perez, Edgar Nieto, Nelson Martin, at Arjay Peralta.

Ito ang unang pagkakataon na lalahok ang koponan sa karera matapos silang imbitahan ng organizers dahil na rin sa impresibo nilang performance sa mga nakaraang UCI races kabilang na ang Le Tour de Langkawi.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Ngayon lamang muling lumahok ang Pinoy riders sa torneo makalipas ang 11 taon nang sumali ang noo’y Pagcor-Casino Trade Team sa dating 2.2 classified race noong 2005.

Ang karera ay sinasabing dinisenyo at angkop sa mga sprinter kung saan, maaari nang masilip ang magiging resulta pagkaraan ng unang dalawang yugto na may distansiyang 195 at 235 kilometro, ayon sa pagkakasunod. (Marivic Awitan)