DAVAO CITY - “Grabe, grabe, grabe!”

Ganito inilarawan ni Agriculture Secretary-designate Emmanuel “Manny” Piñol ang kurapsiyon sa Department of Agriculture (DA) sa kanyang pakikipagpulong sa iba’t ibang stakeholder sa sektor ng agrikultura sa isang restaurant dito.

Sinabi ni Piñol na batay sa mga pag-iikot niya sa Mindanao para mag-inspeksiyon at mag-observe matapos siyang italaga ni President-elect Rodrigo R. Duterte bilang bagong kalihim ng DA, “billions of pesos were lost due to rice smuggling.”

Binanggit din niya ang kawalang aksiyon ng mga opisyal at kawani ng DA sa mga problema at himutok ng mga karaniwang magsasaka dahil “they were busy making money.”

Pag-akto ni VP Sara bilang 'legal counsel' ni Lopez, 'unconstitutional'-Rep.Chua

Dating gobernador ng North Cotabato at isang aktibong magsasaka sa bayan ng M’lang sa lalawigan, tinukoy ni Piñol ang National Food Authority (NFA) bilang isa sa pinaka-corrupt na ahensiya sa ilalim ng DA, at sinabing ilan sa mga opisyal nito ay matagal nang kakutsaba ng mga tiwaling opisyal ng Bureau of Customs (BoC) sa pagpupuslit ng bigas sa bansa.

“Ibinebenta ‘yung import permit. And then, ang modus operandi nila—in cahoots with the BoC—is that they will use the import permits again and again. Papapasukin nila ang produkto, and then repeat it three times (gamit ang kaparehong permit),” ani Piñol.

Batay sa kanyang pakikipagdiyalogo sa stakeholders at sa ilang kawani ng NFA, sinabi ni Piñol na nakakukubra ang ilang opisyal ng gobyerno ng diskuwentong $20 sa kada metriko tonelada ng inangkat na bigas mula sa mga bansang gaya ng Vietnam.

“Now, we are importing, because of shortfall, about two million metric tons every year. Multiply that by $20, that’s how much they are earning,” ani Piñol.

Ito ang dahilan kaya nagsuspetsa si Piñol na hindi sapat ang mga ginagawa ng DA upang mapasigla ang ani ng bigas sa bansa.

At bukod sa mga opisyal ng DA at BoC na sangkot sa nabanggit na katiwalian, sinabi ng susunod na DA secretary na nakakuha rin siya ng impormasyon na posibleng kasabwat rin dito ang mga kapwa opisyal ng mga ito sa Vietnam.

Iniulat din ni Piñol na sa kanyang pagbisita sa Zamboanga City ay natuklasan niya ang nasa “90-plus small ports and piers all over the city and nobody could even supervise the small piers.”

“They suspect that the big ships come in with smuggled goods, docking maybe in Jolo or TawiTawi before smaller boats ferry smuggled items into the city unnoticed,” ani Piñol.

Aniya, posibleng masyadong maluwag ang Maritime Industry Authority (MARINA) sa Zamboanga City sa pagpapatupad ng batas.

“And worse, BOC does not have warehouses to keep confiscated items,” dagdag pa ni Piñol, sinabing ang karaniwang bayad sa BoC ay nasa P14,000 para sa kada puslit na kargamento.

Ito ang ibinunyag ni Piñol nang makipagpulong siya sa mga leader ng sektor ng agrikultura.

“I would like to assure you that there is a lot of money in the DA, and I will give it to you,” pagtitiyak niya sa audience. (JONATHAN A. SANTES)