HALOS nagkakaisang umalma ang iba’t ibang media organization sa Pilipinas, na naging sanhi ng pagkamuhi ng ating mga kababayan, sa naging pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte na ang mga napapatay na journalist ay sangkot sa kurapsiyon.

Ipinahayag ito ni Duterte nang hingin ang kanyang pananaw sa media killing sa bansa. Diretso ang naging sagot ni Duterte na nagsabing hindi “exempted” ang mga journalist sa pagpatay kung “son of a bitch” ang mga ito.

Ang mga nabanggit na pahayag ni President-elect Duterte kaugnay sa mga corrupt na journalist ay umani ng iba’t ibang reaksiyon. Ayon kay Ryan Rosauro, chair ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP), habang ang grupo nila ay kinikilala ang corruption bilang isa sa mga problemang kinakaharap ng Philippine press, hindi makatwiran na patayin ang mga journalist na sangkot sa mga katiwalian. Ang pahayag ni President- elect Duterte, ayon naman sa New York based to Protect Journalists, ay iresponsable.

May nagsabi naman na dapat maisip ni Duterte na may mga pinatay na journalist na hindi corrupt at matapat sa pagganap ng kanilang tungkulin. Binanggit na halimbawa sina Dr. Gerry Ortega, ng Puerto Princesa City, Palawan; at Marlene Esperat, ng Tacurong City. Pinatay si Dok Orteg dahil sa adbokasiya niya sa kapaligiran, si Esperat ay pinatay naman dahil sa pagbubunyag ng katiwalian sa Department of Agriculture. Binanggit din halimbawa ang 32 alagad ng media na kasama sa 58 biktima sa naganap na massacre sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009. Ang massacre na itinuturing na pinakamalagim na pagpatay sa daigdig. Hanggang sa ngayon, ang mga biktima ay wala pa ring natatanggap na katarungan. May media organization naman na nagmungkahi na i-boycott ang press conference ni Duterte. Hiniling din na humingi ng paumanhin ang incoming president.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Maging ang Malacañang ay pumalag sa naging pahayag ni President-elect Duterte sa mga journalist na pinatay. Ayon kay Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr., dapat igalang ang karapatan ng mga journaist at dakpin ang mga nasa likod ng pagpaslang sa kanilang hanay. Mahalaga ang papel ng mga journalist sa pagbibigay ng impormasyon sa isang demokratikong lipunan, mayroon tayong fundamental right sa due process sa ating bansa.

Todo-depensa at paliwanag naman sina Atty. Sal Panelo at PDP Laban President at Senador Pimentel.

Sa kabila ng iba’t ibang reaksiyon at batikos sa mga ipinahayag ni Duterte sa ginanap na press conference noong gabi ng Hunyo 2, matigas ang kanyang paninindigan na hindi siya hihingi ng paumanhin. Wala umano siyang pakialam kung i-boycott ang kanyang press conference. Nariyan naman umano ang Channel 4 at ang mga radio station. (Clemen Bautista)