MATAGAL nang inirereklamo ng mga gumagamit ng Internet ang napakabagal na serbisyo nito sa ating bansa, ang pinakamabagal sa Southeast Asia at isa sa pinakamabagal sa buong Asia. Ang Pilipinas ay may average Internet speed na 2.8 megabits per second (mb/s) lamang, kumpara sa 26.7 sa South Korea, 19.1 sa Sweden, 17.4 sa Japan, at 16.8 sa Hong Kong, batay sa ulat na 2015 State of the Internet ng Akamai Technologies. Sa bahagi nating ito sa mundo, ang Singapore ay may 12.5 mb/s; sa Taiwan ay 10.1; at 7.8 naman sa Indonesia.
Partikular na naaapektuhan ng sobrang bagal na Internet connections ang mga negosyo sa Pilipinas. Umaasa sila sa Internet para sa mabilis at maaasahang paghahatid ng mga produkto at serbisyo. Bagamat maayos ang email at iba pang online platforms, bumabagal ang broadband connections dahil sa bulto ng palitan ng komunikasyon ng mga negosyo at mga kliyente.
Sumilay ang pag-asa sa ipinahayag kamakailan na nagkaroon ang Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) at Globe Telecom, ang dadalawang kumpanyang nangangasiwa sa dalawang pangunahing sistema, ang Smart at Globe, ng karagdagang mga spectrum mula sa mga negosyong telecoms ng San Miguel Corp. sa halagang P69.1 bilyon. Dahil sa kasunduang ito, makagagamit na ang PLDT at Globe ng karagdagang apat na frequency. Dapat na makatulong ito sa kanila upang mapabilis ang serbisyo ng Internet sa mababang halaga, ayon sa National Telecommunications Commission (NTC).
Maghahati ang PLDT at Globe sa nasa 2,000 cellsite na itatayo ng mga kumpanyang SMC telecom. Ang bago nitong 700-megahertz frequency ay sinasabing tiyak na makakatulong nang malaki para mapabilis ang Internet. Ang nasabing band ang kasalukuyang ginagamit sa maraming bansa sa Asia Pacific.
Kapwa idineklara ng PLDT at Globe na pinakikilos na nila ang kani-kanilang resources upang agad nang magamit ang 700-megaherz at ang iba pang frequencies. Ang serbisyo ng Internet sa bansa ay dapat na mapabuti sa susunod na 12 buwan, anila.
Ang NTC ang nagtakda ng palugit na isang taon upang mapabilis ang Internet sa bansa, o pawawalang-bisa nito ang pag-apruba sa P69.1-bilyon kasunduan. Nagbabala rin ang Philippine Competition Commission (PCC) na may kapangyarihan ito upang suriin ang lahat ng kasunduan at transaksiyon sa negosyo na maaaring makaapekto sa kumpetisyon sa merkado.
Dahil dito, pag-aaralan ng komisyon ang sitwasyon at magpapatupad ng mga hakbangin kung kinakakailangan, ayon sa PCC.
Umaasa tayo sa pangakong ito ng pagpapabuti sa serbisyo na matagal nang pinakahihintay ng mga negosyo at ng iba pang gumagamit ng Internet sa ating bansa.