HAYAAN ninyong ibahagi ko ang bahagi ng aking homiliya sa Baccalaureate Mass noong Mayo 28 para sa mga magsisipagtapos na mag-aaral ng Philippine Colleges of Health Sciences (PCHS) na pinamumunuan ni president and CEO, Dr. George Cordero.
“Dear graduating students, alam kong maghahanap kayo ng trabaho sa loob o sa labas ng bansa. Wala namang masama roon. Ngunit hindi sapat ang magandang trabaho. May iba pang bagay na kailangan niyong gampanan, isa na rito ang isabuhay ang mga bagay na inyong natutunan sa inyong Alma Mater.
“Naalala ko ang isang batang lalaki noong 1980s na nagtapos na nangunguna sa kanyang klase. Nagtayo siya ng negosyo at naging multi-millionaire. Ngunit ngayon ay may tinatakasan na siya, nagtatago sa ibang bansa. Bakit? Dahil ginamit ng lalaking ito ang kanyang talino at talento sa pagnakaw ng mahigit P500 milyong sa ilang mga bangko.
Nangangahulugan lamang ito na hindi tapat na maging matalino, sikat na negosyante, mahusay na nurse o maging propesyunal. Kinakailangan mong maging matapat, disente at may takot sa Diyos.
Napakahalaga ng moral commitment sa panahon ngayon dahil sa mga katiwaliang nangyayari sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at maging sa negosyo.
Ang isa pang commitment ng bawat graduate ay ang SOCIAL responsibility. Nakalulungkot malaman na kapag nakapagtapos na ang isang estudyante, nakatuon lamang siya sa kanyang propesyon at sarili na hindi manlang iniisip tulungan ang mga nangangailangan.
“Masuwerte kayo sapagkat mayroon kayong mga magulang at kamag-anak na nagpaaral sa inyo hanggang sa makatapos kayo.
Ngunit mayroong libu-libong batang lalaki at babae na hindi kayang abutin ang inyong mga narrating dahil sa kahirapan. Kayo ay naririyan ngayon sa inyong kinalalagyan dahil sa pagnanais ni Lord. Ngunit tandaan: ‘To whom much is given, much is also expected.’ (Luke 12,48). (Fr. Bel San Luis, SVD)