Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang kasong inihain ng isang prospective bidder laban sa Commission on Elections (Comelec) sa Manila Regional Trial Court (RTC) na kumukuwestiyon sa pagpabor ng poll body sa bid ng Smartmatic-TIM para sa mga inupahang election machine nitong eleksiyon.

Ito ang naging desisyon ng CA Ninth Division sa petition for certiorari na inihain ng Comelec laban sa ipinalabas na temporary restraining order ng Manila RTC pabor sa Agan Montenegro Malagasa and Company ( AMMC) na prospective bidder sa automated elections.

Nag-ugat ang kaso sa resolusyon ng Comelec na nagdedeklarang ang Smartmatic-TIM ang may lowest calculated responsive bid kaya ito ang nakakopo sa kontrata.

Kinuwestiyon ito ng AMMC sa Manila RTC, na nagpalabas naman ng TRO laban sa proyekto.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pero ang kautusan ng mababang hukuman ay kinuwestiyon naman ng Comelec sa CA, sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General.

Ilang araw bago ang eleksiyon, nagpalabas ng desisyon ang appellate court at pinawalang-bisa ang TRO na inisyu ni Judge Cicero Jurado, ng Manila RTC Branch 11.

Ayon sa appellate court, nakagawa ng pagmamalabis o grave abuse of discretion ang mababang hukuman nang pagbigyan nito ang hirit na TRO ng AMMC bagamat bigo naman itong amyendahan ang petisyon para maisama sa mga respondent ang Smartmatic-TIM.

Ang Smartmatic ay maituturing umanong “indispensable party” at obligado na ito ay maisama sa kaso para magkaroon ng hurisdiksiyon dito ang hukuman. (Beth Camia)