HINDI pa man nauupo sa puwesto si President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD), may mga sumasalungat na sa kanyang mga pahayag at patakaran, tulad ng planong pagpapalibing sa bangkay ng diktador na si ex-Pres. Ferdinand Edralin Marcos, pagpatay sa umano’y mga corrupt na journalist, at iba pang mga isyung kontrobersiyal na lumalabas sa kanyang matabil at mapangahas na bibig.
Nangunguna si incoming Department of Social Welfare and Administration (DSWD) Sec. Juliet Taguiwalo, nominee ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF), na kontra sa pagpapalibing. Siya ay nabilanggo at pinahirapan noong martial law dahil sa communist rebel activities.
Harapang sinabi ni Taguiwalo, propesor sa UP Women and Development Studies na pinagtapusan niya nang may karangalan bago ideklara ang martial law noong 1972, na kontra siya sa plano ni RRD na payagang mailibing sa Libingan ng Mga Bayani (LMB) ang diktador kasabay ng kanyang ika-99 taong kaarawan sa Setyembre 11. Halos natitiyak ko na matindi rin ang pagtutol nina incoming Department of Agrarian Reform (DAR Sec. Rafael Mariano, isa pang nominee ng CPP-NDF sa Duterte cabinet, at Jose Maria Sison, founder ng CPP at consultant ng NDFP na nakabase sa Utrecth, The Netherlands. Tiyak na ang libu-libong biktima ng kalupitan at karahasan ng martial law regime ay kontra sa burial ni FM sa LMB
Hindi ba si President Rody ang nagsabi ng “My friendship with my friends ends where the interest of my country begins?” Ito ay reaksiyon sa mga ulat na nagtatampo raw si Pastor Apollo Quiboloy na tumulong sa kanya noon sa kampanya at nagpahiram pa ng jet at helicopter na masasakyan niya sa pangangampanya. Walang duda, kaibigan niya ang mga Marcos dahil ang kanyang ama na dating governor ng noon ay undivided pang Davao province, ay hinirang na miyembro ng gabinete ni FM. Kaibigan din niya si Sen. Bongbong Marcos na tinalo ni Laylayan, este vice president-elect Leni Robredo.
Pero kung susundin niya ang kanyang dictum at prinsipyo, dapat niyang kalimutan ang pagkakaibigan alang-alang sa interes o kagalingan ng sambayanang Pilipino. Samakatuwid, dapat niyang lagutin ang pagkakaibigan sa mga Marcos sa isyu ng pagpapalibing sa LMB dahil garantisadong milyun-milyong mamamayan ang salungat dito. Interes muna ng bayan.
Anyway, tapos na ang mga Aquino at Marcos Families sa kapangyarihan. Puwede nang ipalibing ang bangkay ng diktador sa kanyang bayan sa Batac, Ilocos Norte. Doon ay dinadakila si Apo Marcos at itinuturing pang isang bayani. Kung gusto ng machong alkalde, dumalo siya sa Batac burial at bigyan ng full military honors si FM bilang isang sundalo at bilang naging pangulo ng bansa. Tiyak, walang tututol dito.
Tungkol naman sa pagbanat niya sa umano’y mga corrupt o bayarang journalist na kaya pinapatay ay dahil sa gawaing illegal, palagay ko’y maling-mali ka rito, RRD. Ito ay isang shotgun accusation na walang basehan. Hindi lahat ng napatay ay bayaran, tulad ni broadcaster-environmentalist Dr. Gerry Ortega na nag-expose ng pinsala ng pagmimina sa Palawan at kurakutan ng pondo sa Malampaya roon.
Gayundin si journalist Marlene Esperat na pinaslang sa Sultan Kudarat dahil sa pagbubulgar ng anomalya sa Department of Agriculture. At ang pagpatay sa may 32 media people sa Maguindanao ng mga Ampatuan dahil lamang sa pagkasakim sa political power. Sila ba ay mga bayaran o corrupt, Mayor Digong? (Bert de Guzman)