Tinanggihan ni Chief Supt. Ronald dela Rosa, ang susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP), ang panukalang armasan ang mga barangay tanod sa bansa.
Inaasahang maluluklok sa puwesto sa susunod na buwan, sinabi ni Dela Rosa na ipatutupad pa rin niya ang umiiral na polisiya sa pagkakaloob sa mga barangay tanod ng batuta, at hindi ng anumang armas na nakamamatay.
“Mauuwi lang ito sa pang-aabuso. I am just being honest, may mga abusadong barangay tanod, at kahit pa mga barangay captain,” sabi ni Dela Rosa.
“May mga kaso pa nga na nagiging private armies ng mga barangay captain ang mga barangay tanod, kaya delikado talaga ang proposal na ito,” ani Dela Rosa.
Paliwanag niya, kinakailangan ng maramihan at matagalang pagsasanay at pagsailalim sa iba pang mga proseso para ang isang pulis, halimbawa, o kahit sibilyan, ay bigyan ng prebilehiyo na magbitbit ng baril.
“If some policeman who underwent a year of training and schooling are abusive, what more if the same privilege is given to people who did not have trainings to handle firearms,” katwiran ni Dela Rosa.
Bukod sa delikadong mauwi sa pang-aabuso, sinabi ni Dela Rosa na ang pag-iisyu ng baril sa mga barangay tanod na walang training ay maaari ring magdulot ng aksidente, gaya ng biglaang pagputok nito na mauuwi sa pagkasugat o kamatayan ng tanod, o ng mga mahal nito sa buhay.
Gayunman, inamin ni Dela Rosa na mahalaga sa isang komunidad ang sama-samang pagpapatupad ng kampanya laban sa, krimen, at natural lang na kaisa rito ang mga opisyal ng barangay at mga tanod. (Aaron B. Recuenco)