ZAMBOANGA CITY – Isang 74-anyos na magsasaka ang ninakawan, pinatay at pinugutan ng umano’y sarili niyang anak na lalaki na kalaunan ay naaresto ng pulisya sa Sitio Migasa sa Barangay Capisan sa lungsod na ito.

Ayon kay Sta. Maria Police chief Supt. Haywien Salvado, natagpuan ang katawan at pugot na ulo ni Cesar Vicente Bernardo ilang metro ang layo mula sa bahay ng kanyang anak sa Sitio Migasa.

Kinilala ng pulisya ang anak ng biktima na si Roderico Guzman Bernardo, 40, may asawa, na agad na dinakip at ikinulong.

Sinabi ng pulisya na nawawala rin ang P300,000 cash ni Cesar, na pinaniniwalaang tinangay ni Roderico.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Batay sa record ng pulisya, una nang nakulong si Roderico dahil sa physical injury matapos niyang pagtangkaing silaban ang sarili niyang anak na lalaki. Ang ama niyang si Cesar ang nagpiyansa sa suspek para sa pansamantalang kalayaan nito.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nakitang naglalakad ang mag-ama patungo sa kanilang bukirin sa Upper Capisan nitong Huwebes ng umaga.

Pagsapit ng 11:00 ng umaga, ipinagbigay-alam ni Roderico na natagpuan niya ang katawan ng kanyang ama na walang ulo. Nawawala na rin ang P300,000 sa bag ng biktima.

Ngunit nang magtungo ang mga pulis sa bahay ni Roderico ay nakita nila ang mga bahid ng dugo sa bolo nito, bukod pa sa may mga tilamsik din ng dugo sa dingding ng bahay, kaya dinakip nila ang suspek. (NONOY E. LACSON)