Mga laro ngayon
(San Juan Arena)
1 n.t. -- Air Force vs Cignal
4 n.h. -- Baguio vs Air Force
6:30 n.g. -- Laoag vs Pocari Sweat
Patatagin ang kanilang kapit sa solong liderato sa pamamagitan ng paghahangad ng ikatlong dikit na panalo ang tatangkain ng Pocari Sweat ngayong gabi sa tampok na laro ng Shakey’s V League Season 13 Open Conference, sa San Juan Arena.
Nakatakdang makaharap ng Lady Warriors ang koponan ng Laoag ganap na 6:30 ng gabi matapos ang unang laban ganap na 4:00 ng hapon sa pagitan ng Baguio at Philippine Air Force.
Nagtala ng came from behind 5- sets win ang Pocari Sweat kontra National University upang makopo ang ikalawang panalo noong nakaraang Miyerkules.
Kahit wala ang head coach na si Tai Bundit na kasalukuyan nakabakasyon sa Thailand, nakuhang padapain ng Lady Warriors ang University of the Philippines, 25-18, 25-14, 25-22 sa una nilang laro at ang Lady Bulldogs, 34-32, 17-25, 23-25, 25-17, 15-11 sa nakaraan nilang laban.
Sa nasabing dalawang panalo, nagsilbing lider ng koponan ang skipper na si Michelle Gumabao na nagpamalas ng kanyang all around game sa nakaraang laro nila laban sa NU matapos magtala ng 27 puntos bukod pa sa 13 digs.
“She’s living up to expectation as the leader of this team,” pahayag ni assistant coach Rommel Abella na siyang pansamantalang gumagabay sa team habang wala si Bundit.
Sa kabilang dako, magtatangka naman ang Power Smashers na dugtungan ang unang panalo na nakamit kontra Iriga kasunod ng kabiguan nila nooong opening day sa kamay ng NU.
Umaasa si coach Nestor Pamilar na makakatulong ng malaki ang panalo nila laban sa Iriga upang tumaas ang kumpiyansa ng kanyang mga players.
Sa unang laban, mag- uunahan namang makapasok sa win column ang magkatunggaling Baguio Summer Spikers at Philippine Air Force Jet Spikers matapos mabigo sa kani- kanilang unang laro, ang una kontra Iriga at ang huli kontra Pocari Sweat.
Mauuna rito, pag-aagawan ng Air Force at Cignal ang solong pamumuno sa Spiker’s Turf sa kanilang pagtutuos ngayong 1:00 ng hapon. (Marivic Awitan)