Nagawang madispatsa ni Alberto Lim Jr. si world No. 3 Ulises Blanch ng United States, 6-3, 6-1, nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) para makausad sa quarterfinals ng juniors singles ng French Open sa Roland Garros.

Sunod na makakaharap ni Lim si Marvin Moeller ng Germany na nagtala ng 6-4, 6-4 panalo laban kay No. 13 Yibing Wu ng China.

Ang 16-anyos na si Lim, kabilang sa atletang sinusuportahan ng Olympic Solidarity Movement, ay inihahanda ng kinaaaniban nitong Philippine Lawn Tennis Association (PHILTA) para sa susunod na taon na Malaysia Southeast Asian Games.

Naging bentahe ng Pinoy ang pitong double faults na nagawa ng karibal sa kanilang duwelo na tumagal nang isang oras at 15 minuto.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Nabigo naman ang tambalan nina Lim at Ergi Kirkin ng Turkey sa doubles matapos maungusan nina Eduard Guell Nartrina at Nicola Kuhn ng Spain, 2-6, 6-7 (4).

Kumpiyansa si Lim sa clay court kung saan nahasa siya sa Philippine Columbian Association (PCA). (Angie Oredo)