MINSAN na akong namuno ng weekend retreat sa isang grupo ng mga doktor sa Antipolo. Sa kasagsagan ng group sharing, isa sa kanila, residente ng Marikina, ang nagbahagi na naibenta nila ang pag-aari ng kanilang pamilya, na naging dahilan upang mapilitang paalisin ang caretaker-family.
Sa halip na paalisin ang caretaker na nangalaga sa ari-arian habang wala ang may-ari sa loob ng maraming taon, naawa ang pamilya ng doktor kung kaya’t ipinagkaloob na lamang nila ang maliit na lupa sa caretaker kung saan maaari itong magtayo ng bahay at ligtas na manirahan.
Nakatutuwang isipin na may ilang tao sa paligid, sa kabila ng yaman at ari-ariang mayroon sila, na marunong pa ring ibahagi ang biyayang natatamasa sa mga taong nangangailangan.
Ang pagiging mahabagin ng pamilya ng doktor at mga kapatid nito ay sumasalamin sa pagiging mahabagin ni Kristo.
Kung nabasa ninyo ang gospel, makikita niyo si Jesus bilang “Man of Compassion”. Pinagaling niya ang mga may sakit, pinakain ang mga nagugutom at ang gospel sa Linggong ito, nakikisimpatiya si Jesus sa mahirap na balo na namatay ang nag-iisang anak.
Maraming beses na nakipaglibing ang Panginoon noong panahon niya. Ngunit bakit ang kaganapang ito ang binibigyang pansin? Dapat nating tandaan na noong panahong iyon, ang pagiging balo ay simbolo ng kahirapan at kawalan ng mahihingan ng tulong. Walang trabahong iniaalok sa mga babae.
Kung kaya’t ng makilala ni Jesus ang balo na hindi lang namatayan ng asawa bilang breadwinner kundi namatayan din ng nag-iisang anak, labis siyang nahabag kung saan dumating sap unto na muli niyang binuhay ang namatay nitong anak.
Itinuturo ni Jesus na bilang kanyang tagasunod, kinakailangan tayong maging mahabagin at matulingin sa ating kapwa.
Hindi man tayo makagagawa ng milagro gaya ni Jesus ngunit maaari nating maipakita ang ating habag at makatulong sa nangangailangan sa iba’t ibang paraan. (Fr. Bel San Luis, SVD)