TAWA kami nang tawa sa reaksiyon ng audience sa premiere night ng Pare, Mahal Mo Raw Ako sa SM Megamall Cinema 10.
Panay ang kantiyawan nila kapag nagkakasarilinan sina Michael Pangilinan at Edgar Allan Guzman lalo na kapag napag-uusapan ng mga kaibigan nilang sina Matt Evans at Joross Gamboa ang tungkol sa naging karanasan nila sa bading noong kabataan nila.
Maganda ang kuwento ng Pare, Mahal Mo Raw Ako, tungkol sa mag-best friend na ang isa ay bading pero hindi maipagtapat dahil baka masira ang pagkakaibigan.
Malaking tulong sina Ms. Nora Aunor at Anna Capri sa kuwento para magkaroon ng pampabuhay at para magkaroon ng conflict si Edgar Allan sa karelasyon ng nanay niya.
Pagkatapos ng pelikula ay nakatsikahan namin si Michael na abut-abot ang pasasalamat dahil nag-enjoy naman daw ang audience.
“Mukhang nag-enjoy naman ‘yung audience, nag-enjoy ang crowd at hindi rin namin ini-expect na ganu’n ang reaksiyon nila, ganu’n ‘yung response nila sa mga eksena, may mga kilig moments, may masakit moments, parang sana po sa LGBT community, suportahan po nila.
“And we’re hoping na sana (kumita), sana... at talagang kinakabahan po ako, hindi namin alam kung ano’ng mangyayari. In God’s time, in God’s will and hindi naman magagawa kung walang suporta ni God,” sabi ng bagong aktor.
May ibubuga sa pag-arte si Michael, kaya tinanong kung dire-diretso na ang pagpasok niya sa pelikula.
“Naku, ayoko muna, nakita n’yo naman wala talaga akong talent sa ganyan, try ko lang talaga. Si Nanay (Jobert Sucaldito, manager niya) kasi, ngayon po, ayaw ko talaga, singing muna, madali ang singing, pagkanta mo ‘yun na ‘yun, tapos na,” sagot ng binata.
Pero nag-enjoy naman daw si Michael sa shooting ng Pare, Mahal Mo Raw Ako.
“Super enjoy naman po, at least may experience na ako sa acting, kung baga may masasabi na ako sa anak ko na paglaki niya, nagkaroon ako ng movie kahit papaano and hindi ko pa po masasagot kung kaya ko (pasukin ang pelikula) kasi sobrang hirap talaga, sobrang puyatan, script pa lang, kailangang pag-aralan, kailangan characterization, paano mo iintindihin, hindi kagaya ng singing. Saka singing talaga ang forte ko,” paliwanag ni Michael.
Mapapanood na ang Pare, Mahal Mo Raw Ako sa Hunyo 8 mula sa direksyon ni Joven Tan at distributed naman ng Viva Films.
At tungkol sa lovelife ni Michael ay ayaw pa rin niyang magbigay ng detalye kung ilang buwan na sila ni Garie Concepcion na suportado rin siya noong premiere night.
“Sabi ko naman po, ‘yung private life ko, I want to keep it as private, and hindi ko naman po masisisi si Tito Boy, and nag-usap naman po kami (ni Garie) na okay na alam ng tao na tayo, pero hindi nila alam kung ano ‘yung detalye, masaya po kami, basta masaya po kami. Kung anuman po ‘yun, eh, malalaman din naman ninyo,” katwiran ng binata.
Parehong singer sina Michael at Garie, kaya tinanong kung may plano ba silang magkatrabaho sa iisang album.
“Siguro po, soon. Kung may chance po magre-record kami kasi pareho naman naming love ang music,” aniya.
“’Pag magkasama po kami, yun talaga ang bonding namin (kantahan) and masaya naman lalo na kapag may mga bagong kanta talaga, minsan napag-aralan naming sabay, ‘pag hindi ko alam, alam niya, ‘pag hindi niya alam, medyo alam ko naman, so nagkakatulungan naman po,” kuwento ni Michael.