ANG pagpapaliban ng eleksiyon sa bawat barangay at Sangguniang Kabataan (SK) ay maituturing na pagpatay sa demokrasya na dapat matamasa ng sambayanang Pilipino. Ang naturang halalan ay itinakda ng batas sa huling Lunes ng Oktubre ng taong ito at tuwing ikatlong taon pagkaraan nito. Subalit nais ng ilang mambabatas na palawigin ito sa huling Lunes ng Oktubre, 2018 at tuwing ikalimang taon pagkaraan nito. Ang naturang panukalang-batas tungkol dito ay sinasabing kinakatigan ng Commission on Elections (Comelec).
Kahit na ano ang sabihin ng sino man, nabababawan ako sa mga dahilan kung bakit ipagpapaliban ang nabanggit na halalan. Iminatuwid ng ilang mambabatas na marapat lamang na mabigyan ng sapat na panahon ang mga opisyal ng barangay na tapusin ang ipinatutupad nilang mga proyekto sa mga barangay. Masyado nang mahaba ang panahong naiukol nila sa naturang mga programa. Makailang beses na ring ipinagpaliban ang barangay polls: isang malaking pagpapabaya sa tungkulin kung nakatiwangwang pa hanggang ngayon ang sinimulan nilang mga proyekto.
Mababaw din ang paninindigan ng Comelec sa pagpapaliban ng barangay polls: Election fatigue. Ibig sabihin, sagad na sa pagod ang mga guro bilang miyembro ng board of elections tellers (BET). Natitiyak ko na ang ating mga guro ay laging masigla sa pagtupad ng isang makabayang misyon, lalo na kung hindi ibibitin ang kakarampot na honorarium na nakaukol sa kanila, tulad ng ilang nakadidismayang pangyayari sa mga nakalipas na halalan. Hindi dapat katamaran ang isang bagay na magkakait ng karapatan sa pagboto ng mga mamamayan.
Totoo, magastos ang pagdaraos ng eleksiyon, lalo na nga kung magkasunod ang pagdaraos nito. Subalit matagal naman nang nailaan ang milyun-milyong pondo ukol sa halalang iniuutos ng batas.
Isa pa, at ito ang mahalaga, kailangan nang palitan ang mga opisyal ng barangay na hindi na karapat-dapat sa isang marangal at makabuluhang paglilingkod. Maraming ulat na ang ilan sa kanila ay nasangkot sa iba’t ibang krimen at bisyo, tulad ng pagbebenta at paggamit ng bawal na gamot: pasimuno sa mga gulo at sa paghahasik ng karahasan. Mga gawain ito na nagpapasama sa higit na nakararaming huwarang opisyal ng barangay.
Karapatan at pagkakataon ng sambayanan na hindi maantala ang pagpili nila ng mga mamumuno sa kani-kanilang mga komunidad. Pagpatay rin ito sa demokrasya. (Celo Lagmay)