SINIMULAN na kahapon ng hukbong-dagat ng Amerika, Pilipinas at Malaysia ang pagsasanay sa Sulu Sea bilang bahagi ng Cooperation Afloat Readiness and Training (CARAT) program ng US Pacific Fleet. Nagsimula ang programa noong 1995 upang isulong ang pagtutulungan at pagpapahusay ng kakayahan sa pagitan ng puwersa ng Amerika at ng iba pang mga bansa, na may layuning paigtingin ang seguridad at katatagan sa rehiyon. Ang mga makikibahaging barko at eroplano mula sa tatlong bansa ay magsasagawa ng mga communication drill, maritime security coordination, at maritime domain awareness training.
Ang pagsasanay ngayong linggo sa Sulu Sea ang huling programa na ang puwersang pang-depensa ng Pilipinas ay nakikipag-ugnayan sa sandatahang pang-depensa ng iba pang mga bansa sa higit na nagiging maselang bahaging ito ng mundo. Kamakailan lamang, sa Sulu Sea, sumakay sa mga barko ang mga piratang iniuugnay sa Abu Sayyaf at binihag ang ilang Indonesian. Kalaunan, nanawagan si Indonesian Defense Minister Ryamizard Ryacudu para sa mas maraming magkakaugnay na pagpapatrulya katuwang ang Pilipinas, Malaysia, at Brunei sa karagatang nag-uugnay sa apat na bansa, na sinasabing talamak na ngayon ang pag-atake ng mga pirata.
Nasa hilaga ng Sulu Sea ang South China Sea, na may ibang problemang pangkaragatan naman ang nangyayari, dahil ilang bansa ang nag-aagawan sa iba’t ibang isla sa Spratlys at Paracels, habang inaangkin ng China ang halos buong South China Sea. Sa dakong dulong hilaga pa, sa East China Sea, ang Japan naman ang kaagaw ng China sa ilang isla.
Ang Pilipinas ay nasa pusod ng lugar na ito na may tumitinding tensiyon. At nakapagpahayag na rin ng pangamba tungkol sa kahandaan ng bansa sa anumang hindi inaasahang development sa bahaging ito ng mundo, partikular sa karagatang nakapaligid sa atin.
Sa selebrasyon ng anibersaryo ng Philippine Navy nitong Miyerkules, sinabi ni Pangulong Aquino na malaki na ang pagpapabuti sa kakayahan ng ating hukbong-dagat na depensahan ang ating mga karagatan sa pamamagitan ng mga bagong biling barko at anti-submarine helicopter. Ang huli sa mga barkong ito ay ang BRP Tarlac, ang unang sea-lift vessel ng Pilipinas na kayang magbiyahe ng daan-daang tropa at supplies, kasama ang tatlong landing craft. Isa pang sealift vessel ang ide-deliver sa bansa sa susunod na taon.
Inihayag ni Pangulong Aquino na naglabas ang gobyerno ng P60 bilyon para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines, higit pa sa doble ng pinagsamang pondo na inilabas ng huling tatlong administrasyon. Gamit ang pondong ito, bumili ang gobyerno ng limang naval helicopter at tatlong multi-purpose attack craft. May darating ding dalawang frigate, dalawang anti-submarine helicopter, ang ikatlong high-endurance cutter ng bansa.
Matagal pang panahon ang lilipas bago maging tunay na moderno ang ating sandatahang lakas ngunit ang bagong kagamitang ito sa Philippine Navy ay naghahatid ng napakalaking pag-asa. Habang patuloy tayong nakikipagtulungan sa ating mga kaalyado, gaya ng Amerika, Indonesia, Malaysia, Brunei, at iba pang bansang kapwa miyembro ng ASEAN, dapat nating patuloy na pag-ibayuhin ang programa ng bansa sa modernisasyon ng ating depensa, at partikular na tutukan ang hukbong-dagat at puwersang panghimpapawid upang mabantayang mabuti ang ating bansa at ang karagatang nakapaligid dito.