AYON sa kampo ni Pangulong Digong, nagsauli ito ng sobrang pera na ibinigay sa kanya para magamit niya sa kampanya.
Nang bumubuo na siya ng Gabinete, winika niya na mahirap kumuha ng tao dahil ang kanyang mga inalok sa mga bakanteng posisyon ay tumanggi dahil sa maliit na suweldo. Kinalaunan, nang tanungin siya kung anong posisyon ang iaalok niya kay Vice President Leni Robredo, wala pa aniya dahil inirereserba pa niya ang mga ito sa mga pinagkakautangan niya ng loob.
Ito ang realidad ng ating pulitika. Napakagastos kumandidato lalo na kung national position ang hinahangad mo. Pero, bihira ang mga kumakandidato na siya lahat ang papasan ng mga gastusin. Dito pumapasok ang mga tao o kumpanya na nangangapital para sa kandidatura ng kandidatong sa wari nila ay malaki ang pag-asang manalo. Ang kanilang gabay kung saan nila itotodo ang kanilang tulong ay ang survey. Nang pumailanlang na si Pangulong Digong at iwanan ang kanyang mga katunggali, bumuhos na ang tulong sa kanya. Sumobra ang tulong na natanggap niya kaya nga niya umano isinasauli ito.
Sa pagkapanalo ni Pangulong Digong, nagbabayad na siya ng utang na loob. Ang inamin niyang paraan sa nakaraan niyang press conference ay ang pag-alok ng posisyon sa gobyerno. Ang mga nauna naman niyang inalok ay tumanggi dahil mababa ang suweldo. Noong may mga nagreklamo na sa napakalaking sahod ng mga pinuno ng Social Security System (SSS) at iba pang government owned and controlled corporation , ang katwiran ni Pangulong Noynoy ay kailangan gawin niya ito dahil hindi raw siya makakakuha ng magaling na empleyado dahil malaki ang kanilang kinikita sa pribadong buhay.
Hindi ko sinasabi na ganito rin ang gagawin ni Pangulong Digong kung sakali mang may tumanggap ng posisyon sa kanyang Gabinete na pinagkakautangan niya ng loob na naunang tumanggi.
Ang gobyerno ay gobyerno ng taumbayan. Pinatatakbo ito ng mga taong pinagkakalooban nila ng kanilang kapangyarihan.
Kaya, dapat paganahin nila ang gobyerno para sa kanilang interes. Nang nagsimula si Pangulong Noynoy sa kanyang termino, napakalaki ng pananalig ng mamamayan na ganito ang kanyang gagawin. Sabi pa nga niya, “Kayo ang Boss ko.”
Iba ang kanyang naging boss nang lumaon dahil wala siyang ginawa kundi magbayad ng utang na loob. Ang malalaking kontrata ay ginawan ng paraan ng kanyang gobyerno para makuha ng kanyang mga pinagkakautangan ng loob. Kinunsinte niya ang kanilang paggawa ng katiwalian. Bahala na si Pangulong Digong na matuto sa nangyari kay Pangulong Noynoy na ang nagdala ng bagahe ng kanyang pagkakamali ay si Sec. Mar Roxas. (Ric Valmonte)