DAVAO CITY – Umulan man o umaraw, mahigit 500,000 Davaoeño at tagasuporta mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang inaasahang dadagsa sa Davao Crocodile Park ngayong Sabado para sa enggrandeng thanksgiving party para kay President-elect Rodrigo R. Duterte.
Kasabay ng pagpasok ng tag-ulan ay napapadalas na rin ang pag-uulan sa lungsod, ngunit sinabi ng mga organizer ng “One Love, One Nation” na hindi ito makaaapekto sa excitement ng lahat sa selebrasyon ng pagkakahalal ng unang presidente mula sa Mindanao.
Fully booked na rin ang mga hotel, gayundin ang flights patungo sa siyudad.
Idaraos ang “One Love, One Nation” sa 24 na ektaryang Crocodile Park grounds simula 1:00 ng hapon hanggang 1:00 ng umaga, at inaasahang mahihigitan ng bilang ng dadalo ang record na 300,000 na dumagsa sa miting de avance ni Duterte sa Quirino Grandstand sa Maynila nitong Mayo 7.
Maghihigpit rin sa seguridad sa event at kabilang sa titiyak ng kaligtasan sa lugar ang mga lokal at pambansang security agency, kabilang ang Presidential Security Group (PSG), ayon sa event organizer na si Kat Dalisay.
Sinabi naman ni Davao City Police Office Spokesperson Milgrace Driz na ang mga dadalo sa party ay kakailanganing dumaan sa apat na bahagi ng matinding security check, at pinayuhan din ang mga attendee na huwag magdala ng backpack, at huwag na ring magsama ng bata.
Wala ring vendor na papayagan sa lugar ng event, at limitado maging ang media coverage.
Kasabay nito, pinayuhan ni Dalisay ang mga motorista na umiwas sa lugar ng event upang hindi maipit o maperhuwisyo ng traffic, na inaasahan sa El Rio, Buhangin, Bajada, at Maa.. (Yas D. Ocampo)