IPINAGDIRIWANG ngayon ng Simbahan ang Kapistahan ng Kalinis-linisang Puso ni Maria. Si San Juan Eudes at ang kanyang mga tagasunod ang unang nagdiwang ng kapistahan bilang pagpupugay sa Kalinis-linisang Puso ni Maria noong 1643.

Simula noon, ipinagpalipat-lipat na ang kapistahan sa iba-ibang petsa, alinsunod sa impluwensiya ng mahahalagang pangyayari sa Europa at sa Simbahan. Kalaunan, taong 1969, ay inilipat ni Pope Paul VI ang selebrasyon ng Kalinis-linisang Puso ni Maria sa Sabado pagkatapos ng Kataimtiman ng Banal na Puso ni Hesus.

Ang sining ng Kristiyano, tuwina, ay inilalarawan ang Kalinis-linisang Puso ni Maria na nakalabas sa dibdib gaya ng sa Banal na Puso ni Hesus. Gayunman, ang Puso ni Maria ay napaliligiran ng mga rosas at natatarakan ng sibat, isang simbolo na nahulaan at binanggit ng propetang si Simeon nang iprisinta si Hesus sa templo: “Behold, this child is destined for the fall and rise of many in Israel, and to be a sign that will be contradicted and you yourself a sword will pierce so that the thoughts of many hearts may be revealed.” (Luke 2:34-35)

Sa Fatima, hiniling ng Pinagpalang Ina sa tatlong bata na ipalaganap ang pagdadasal ng rosaryo at ang pagtatalaga sa mundo sa Kalinis-linisang Puso ni Maria para sa pandaigdigang kapayapaan. Ngayon, habang nililigalig ang mundo ng mga krisis na tulad ng karahasan at digmaan, labis na pag-iinit ng mundo, at iba pang suliranin, muli nating asahan ang pamamagitan ni Maria upang manaig ang kapayapaan at katarungan. Siya, bilang ina ng ating Panginoong Hesukristo, ay tiyak na mamamagitan para sa atin at ihahatid tayo sa Diyos Ama sa pamamagitan ng kanyang pananalangin.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Simula’t sapul ay itinuring na nating ina at huwaran si Maria, ang ating gabay at tagapamagitan. Siya ang ating ina at ang pag-ibig niya sa atin bilang kanyang mga anak ang bukal ng ating kapanatagan at kapayapaan. Lagi tayong manalangin sa kanya upang gabayan niya ang ating mga hakbang patungo ng daan ng katuwiran at kapayapaan. Nawa’y ang bukas-pusong pagtanggap niya sa mga nais ng Diyos ay magturo sa atin upang madaling tumalima sa mga aral at gabay ng Espiritu sa ating buhay, upang sa pagdating ng tamang panahon ay maranasan natin ang kaganapan ng buhay na kanyang tinanggap mula sa Panginoon.