Hawak na ni incoming Philippine National Police (PNP) Chief Supt. Ronald “Bato” Dela Rosa ang listahan ng mga opisyal ng pulisya na pinaghihinalaang protector ng droga.
Nahahati sa dalawang klasipikasyon ang listahang hawak ni Dela Rosa.
Una, ang mga pulis na nagsisilbing protector ng illegal drug operations at regular na tumatanggap ng protection money mula sa mga drug lord.
Ang ikalawa ay ang mga pulis na “duwag” o dahil sa takot ay ayaw bumangga sa mga sindikato ng droga.
Tumanggi si Dela Rosa na magbigay ng buong detalye hinggil sa pagkakakilanlan ng mga opisyal na protector ng droga, ngunit nagpahiwatig na may heneral na sangkot dito.
Babala niya, habang hindi pa siya nakaupo sa puwesto ay dapat mag-isip na ang mga ito dahil hindi niya hahayaang manatili ang mga ito sa serbisyo habang siya ang PNP chief.
Tiniyak din ni Dela Rosa na poprotektahan ng PNP ang mga miyembro ng media laban sa mga sindikato ng droga.
(ROMMEL P. TABBAD)