Ikinatutuwa ng isang obispo ng Simbahang Katoliko ang bagong batas na nagtataas sa tax-exempt value ng mga ipinadadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Pilipinas.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, magandang balita ito para sa mga OFW.
“It’s a relief and assurance for our OFW as they can pay less to send balikbayan boxes and they can send more to their loved ones,” ani Santos.
Una nang nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), na nagtataas sa tax-exempt value ng items na ipinapadala ng OFWs sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Sa ilalim ng CMTA, ang tax exemption ceiling ay itinaas mula P10,000 hanggang P150,000 kada taon, ngunit kailangang ang mga padala ay hindi maramihan o commercial quantities. (Mary Ann Santiago)