Inihayag kahapon ng Philippine National Police (PNP) na naaresto ng joint operation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Zamboanga City ang isang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf group na wanted sa pagpatay sa 21 katao sa Talipao, Sulu.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Alhnur Usup Bacalso, na gumagamit ng mga alyas na “Arab-Arabat” at “Arab Puti”, 28, ng Barangay Talon-Talon, Zamboanga City.

Iniimbestigahan din ang isang Jamal Labuan Sapie, 32, ng Bgy. Taluksangay, Zamboanga City na kasamang nadakip ni Bacalso.

Ang naturang massacre ay nangyari noong Hulyo 2014, papatapos na ang Ramadan, nang salakayin ng nasa 50 bandido ang Talipao at pinagbabaril ang 21 katao, kabilang ang mga bata at kababaihan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Matatandaang nakatakas si Bacalso nang unang isilbi noong Enero 12, 2015 ang warrant of arrest sa nasabing kaso.

Hinala naman ng pulisya, posibleng pagbebenta ng ilegal na droga ang pinagkaabalahan ni Bacalso habang nagtatago sa batas, makaraang makumpiskahan ito ng granada, mga sachet ng shabu, at drug paraphernalia.

Nasamsam din mula sa inuupahan ni Bacalso ang dalawang motorsiklo na pinaniniwalaang carnapped, at narekober din ang mga resibo na may iba’t ibang pangalan.

May nakuha ring impormasyon ang pulisya na isa si Bacalso sa mga “spotter” ng dudukutin ng Abu Sayyaf, sa ilalim ng kidnap-for-ransom group ni Abu Sayyaf-Sulu leader Idang Susukan. (Fer Taboy)