Nagmistulang “concert king” si Pangulong Aquino nang pangunahan niya ang pagkanta at pagsayaw sa thanksgiving party ng Liberal Party (LP) sa punong tanggapan ng partido sa Cubao, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Halos inabot ng hatinggabi kamakalawa ang Pangulo matapos siyang paandaran ng mga miyembro at tagasuporta ng Liberal Party sa pagkanta ng kanyang mga paborito, tulad ng “Pumapatak Na Naman ang Ulan” ng Apo Hiking Society, “Manila” ng Hotdog, at “September” at “Boogie Wonderland” ng Earth, Wind and Fire.

Habang pumipili ng aawitin sa song bong, nagbiro si Aquino: “Baka bumangon (sa hukay) ang nagsulat nito at sabihin, ‘ano’ng ginawa ninyo sa kanta ko?’” Todo-halakhak naman ang mga dumalo sa okasyon.

Sa kabila ng pagkatalo sa pagkapangulo, game na game rin si dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na makipagsabayan sa pag-awit sa kanyang matalik na kaibigan na sinabayan ng sing-along ng mga LP member.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Papikit-pikit pa at napapaindak ang Pangulo habang masiglang umaawit sa entablado.

Halatang relax na relax ang Pangulo sa kanyang nalalabing araw sa puwesto, kaya halos hindi na maawat sa kanyang “concert”.

“Habang kumokonti tayo, lalo kaming tumatapang,” giit ng Pangulo na umani ng palakpakan ng mga guest.

Humirit din ng sing-and-dance number si Aquino ng old time hit na “Buttercup.”

Sa halos isang oras ng awitan at sayawan, sinampolan din ni PNoy ang mga dumalo ng paboritong kanta ng kanyang yumaong ama na si Senador Benigno S. Aquino Jr. na “Impossible Dream”, at naging emosyonal ang mga dumalo.

Sa pagtatapos ng halos isang oras na musical event, pinangunahan ni PNoy ang pag-awit ng “Bayan Ko,” na sinabayan ng mga taga-Partido Liberal.

Una nang inihayag ng Pangulo na excited na siya sa kanyang pagreretiro at pagkakaroon ng “normal” na pamumuhay pagkatapos niyang bumaba sa puwesto sa Hunyo 30. (GENALYN D. KABILING)