IPINAGDIRIWANG ngayon ng mga Katoliko ang Kataimtiman ng Banal na Puso ni Hesus. Ang debosyong ito ay nagmula sa France nang noong 1672 ay sinasabing ilang beses na nagpakita si Hesukristo sa isang madreng Visitation na si Margaret Mary Alacoque. Sa panahon ng aparisyon, hiniling ng Panginoon na bigyang-pugay siya sa simbolo ng Kanyang Puso. Hiniling din ng Panginoon ang pagbabalik-loob, madalas na pagkokomunyon upang mabawasan ang mga kasalanan, pagkokomunyon tuwing Unang Biyernes ng bawat buwan, at pagsamba sa Banal na Sakramento.

Sa kasalukuyan, sa ating bansa, naging malawakan na ang debosyong ito dahil makikita ang imahen ng Banal na Puso sa iba’t ibang lugar—sa halos lahat ng simbahan, sa mga establisimyentong pang-negosyo, sa mga tahanan, sa mga opisina, sa mga eskuwelahan, at sa iba pang mga lugar. Ang debosyon tuwing Unang Biyernes ay tunay na popular hindi lamang sa mga simbahan at dambana, kundi maging sa mga opisina at iba pang establisimyento. Ang pagsusuot ng iskapularyo ng Banal na Puso ay laganap din sa mga kasapi ng mga organisasyon ng simbahan. Tunay na ang mga Pilipino ay may malalim na debosyon sa Banal na Puso ni Hesus.

Ang Puso ni Hesus ang pinagmumulan ng aliw at ginhawa para sa atin. Sinabi ng ating Panginoong Hesus: “Come to me, all who are weary and heavy-laden, and I will give you rest.” (Matthew 11:28).

Sa ating pagdiriwang ng Kataimtiman ng Banal na Puso ni Hesus at ng Jubilee of Mercy, hinihimok tayong pagnilayan kung paano ipinakita ng Panginoong Hesus ang maawaing pagmamahal ng Diyos Ama sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa sangkatauhan at sa lahat ng nilalang. Sa krus sa Bundok ng Kalbaryo ay ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa lahat, at sa pagtalima sa nais ng Diyos Ama upang mailigtas tayo sa kasalanan at kamatayan. Tunay na si Hesus, gaya ng sinabi ni Pope Francis, ang mukha ng awa ng Diyos Ama.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Bilang mga deboto ng Banal na Puso ni Hesus at bilang mga Kristiyano, dapat nating sundan ang kanyang yapak at sa pamamagitan ng maliliit nating ambag ay magpamalas tayo ng awa sa iba. Nawa’y maging mukha rin tayo ng awa ng Diyos sa modernong panahon. Nawa’y ang ating mga puso ay maging kagaya ng Puso ni Hesus, nag-uumapaw sa pagmamahal at sa awa, partikular para sa mga labis na nangangailangan nito.