SA isa sa kanyang mga huling aktibidad bilang presidente ng republika, pinasinayaan ni Pangulong Aquino nitong Mayo 26 ang 10.2-megawatt solar power plant ng First Cabanatuan Renewal Venture sa 12-ektaryang lupain sa Cabanatuan City.
Ito ang huli sa serye ng mga solar power generating site na sunud-sunod na pinasinayaan sa bansa. Noong Pebrero, binuksan ang pinakamalaking solar power plant sa Southeast Asia at ikapito sa mundo sa 176 na ektaryang lupain sa Cadiz City, Negros Occidental. Sa buwan din na iyon, itinayo ang 63.3-megawatt na Calatagan Solar Farm sa 160 ektarya sa Batangas. Noong Abril, pinangunahan din ni Pangulong Aquino ang pagpapasinaya sa 59-megawatt na San Carlos Solar (Sacasol) power plant sa San Carlos City, Negros Occidental.
Nitong Mayo, sinimulan na rin ng Repower Energy Development Corp. ang pagpapatayo sa isang mini hydro power plant sa Quezon Province, ang unang planta sa uri nito na pinlano para sa mga ilog sa Luzon at Mindanao. Gagamit ang three-megawatt plant ng teknolohiya mula sa Europa para sa isang maliit na run-of-river hydroelectric power plant, isang alternatibo sa tradisyunal na malalaking dam.
Ang mga solar at hydro plant na ito ay bahagi ng Renewable Energy Program ni Pangulong Aquino na nagsimula noong 2011 sa layuning magkaroon ng tuluy-tuloy na renewable energy ang bansa hanggang sa 2030. Gayunman, masyadong malaki ang pangangailangan sa kuryente sa bansa kaya pansamantala ay kailangan pa rin ang mga coal plant upang makaagapay sa mga pangangailangan ng industriya at ng publiko. Dahil dito, may 23 coal-fired plant ang nakatakdang itayo sa susunod na apat na taon, kabilang ang dalawa sa Davao City, isa sa Subic, Zambales, at palalawakin naman ang mga planta sa Quezon at Bataan.
Ngunit ang pangmatagalang plano ay ang mag-develop ng renewable energy alinsunod sa napagkasunduan ng mga bansa sa 2015 United Nations Climate Change Conference sa Paris, France. Kasama ang 145 iba pang bansa, nangako ang Pilipinas na babawasan ang pagbubuga ng greenhouse gasses, na pangunahing nagdudulot ng global warming at nagbubunsod ng climate change.
Ngayon, 23 porsiyento ng kabuuan ng nalilikhang enerhiya sa ating bansa ay nagmumula sa renewable resources – geothermal, wind, solar, hydro, at biomass. Pinupuntiryang madagdagan ito sa hanggang 30 porsiyento. Dahil sa tuluy-tuloy na pagtatayo ng mga wind, hydro, at solar power plant sa nakalipas na mga buwan, hindi magtatagal ay maisasakatuparan na natin ang target na ito, o posibleng malampasan pa nga.