May kabuuang 15 matataas na opisyal ng pulisya, 13 sa kanila ay police general, ang naapektuhan sa malawakang balasahan sa Philippine National Police (PNP) wala nang isang buwan bago magpalit ng liderato ang pambansang pulisya.

Ngunit sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na ang mga maaapektuhan ng balasahan ay may temporary status upang maging malaya si incoming PNP chief, Chief Supt. Ronald dela Rosa sa reorganization ng pulisya kapag naluklok na ito sa puwesto sa Hunyo 30. Una nang sinabi ni Dela Rosa na magpapatupad siya ng malawakang balasahan, partikular na sa mga regional director.

Si Chief Supt. Aaron Aquino ang bagong direktor ng Police Region Office (PRO)-3 sa Central Luzon, kasunod ng pagreretiro ni Chief Supt. Rudy Lacadin, ayon kay Mayor.

Si Chief Supt. Billy Beltran ang itinalagang Zamboanga Peninsula Regional Police director, samantala inilipat naman ni Chief Supt. Ronald Santos sa Civil Security Group.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Si Chief Supt. Abad Osit ang bagong executive officer ng Directorate for Integrated Police Operations (DIPO)-Visayas, habang itinalaga si Chief Supt. Valfrie Tabian sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).

Apektado rin ng balasahan sina Chief Supt. Timoteo Pacleb, bagong deputy chief for administration sa CALABARZON; Chief Supt. Charlie Collado, na nasa Northern Mindanao Police na bilang deputy chief for administration; Chief Supt. Ramon Puruggunan, itinalaga sa executive office ng Directorate for Comptrollership; at Chief Supt. Archie Gamboa sa Directorate for Logistics.

Si Chief Supt. Lurimer Detran ay inilipat sa Directorate for Comptrollership; si Chief Supt. Elmo Sarona ang deputy chief for operations ng National Capital Region Police Office (NCRPO); sa NCRPO na rin si Senior Supt. Amado Empiso; si Chief Supt. Pedro Obaldo sa DIPO-Southern Luzon; at si Senior Supt. Dennis Basngi sa Special Action Force.

Ayon kay Mayor, malaking dahilan din sa balasahan ang pagreretiro ng ilan sa matataas na opisyal ng PNP.

Gayunman, sinabi ni Mayor na dapat na asahan ang mas malawakang balasahan sa PNP sa Hulyo kapag hinirang na ni Duterte si Dela Rosa bilang kapalit ni PNP Chief Director Gen. Ricardo Marquez—na magreretiro na sa Agosto ng taong ito. (AARON B. RECUENCO)