SA pagpapaigting ng Department of Health (DoH) sa kampanya laban sa paninigarilyo, nakiisa ang government scholars ng Unisversity of the Philippines School of Science sa South Cotabato sa pagdiriwang ng “No Tobacco Day” sa pamamagitan ng pagpupulot ng upos ng sigarilyo na nakakalat sa nasabing lungsod nitong Martes, ayon sa ulat ng Philippines News Agency (PNA).
Sa pangunguna ni South Cotabato Integrated Provincial Health Office, ang “Operation Pulot Upos” ay naglalayong ipakalat sa mga kabataan na nakasasama sa kalusugan ang paninigarilyo.
“It’s better to train our young people to hate cigarette smoking this early so that in the future we will have a smoke-free community,” pahayag ni Jenny Ventura, Department of Health (DoH) Regional Office No. 12 regional anti-smoking program focal person.
Sa ginanap na day-long drive, ang mga estudyante ng UP at mga manggagawa ng South Cotabato Provincial Hospital dito, ay gumamit ng gloves upang isa-isang pulutin ang upos ng sigarilyo na nakakalat sa provincial hospital.
Sinabi ni Ventura na nakatanggap ng T-shirt mula sa DoH ang mga nakiisa sa pagpupulot ng upos ng sigarilyo.
Nagpamahagi rin ang DoH ng no-smoking pins sa mga advocate na dumalo sa event. Ayon pa kay Ventura, simula pa lamang ito ng kampanya laban sa paninigarilyo.
“Expect a more aggressive campaign against smoking this year after the law ordered cigarette companies to put graphic health warning in all its packaging,” dagdag ni Ventura.
Iniulat ni Dr. Conrado Brana, Provincial Hospital Chief, na 10 Pilipino ang namamatay kada oras dahil sa sakit na may kinalaman sa paninigarilyo.
“The Provincial Hospital is making its first move to adhere the tobacco-free environment,” sambit ni Brana.
Ipinahayag ni Augustus Britania, Koronadal City Environment Officer, na nakakalat ang mga environment enforcer sa paligid ng provincial hospital.
Ipinagbabawal na ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, sa Koronadal City.