Pinakakasuhan ng Office of the Ombudsman sina Senator-elect Sherwin Gatchalian, dating Local Water Utilities Administration (LWUA) Chairman of the Board Prospero Pichay Jr. at 24 pang dating opisyal ng gobyerno at pribadong inbiduwal dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga ito sa isang bangko noong 2009.
Sina Gatchalian, Pichay at 24 pang opisyal ng gobyerno ay pinasasampahan ng tatlong bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), tatlong bilang ng malversation of public funds, at paglabag sa RA 8791 (General Banking Law of 2000 and the Manual of Regulation for Banks).
Ang iba pang pinakakasuhan ay sina dating LWUA officials Eduardo Bangayan, Aurelio Puentevella, Enrique Senen Montilla III, Wilfredo Feleo, Daniel Landingin, at Arnaldo Espinas; WELLEX Group Inc. (WGI) corporate executives Dee Hua Gatchalian, William Gatchalian, Elvira Ting, Kenneth Gatchalian at Yolanda Dela Cruz.
Pinakakasuhan din sina Forum Pacific Inc. (FPI) executives Peter Salud, Geronimo Velasco, Jr., Weslie Gatchalian, Rogelio Garcia, Lamberto Mercado, Jr., Evelyn dela Rosa, Arthur Ponsaran, at Joaquin Obieta; at Express Savings Bank Inc. (ESBI) executives George Chua, Gregorio Ipong, Generoso Tulagan, Wilfred Billena, at Edita Bueno.
Nag-ugat ang kaso makaraang bilhin ng LWUA ang ESBI, isang local thrift bank sa Laguna na pag-aari ng FPI at ng kumpanya ng pamilya Gatchalian na WGI sa halagang P80 milyon.
Natuklasan na si Gatchalian ay opisyal ng WGI nang bilhin ang nasabing bangko.
“Based on the Ombudsman's investigation, the LWUA Board led by Pichay passed a resolution on March 24, 2009 approving the acquisition of ESBI without the requisite regulatory approvals from the Monetary Board (MB) of the Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Finance (DOF) and the Office of the President (OP),” ayon sa ruling na pirmado ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Ayon sa Ombudsman, itinuloy pa rin ang naturang deal sa kabila ng inilabas na legal opinion ng Office of the Government Corporate Counsel na nagsasabi na kinakailangan munang pag-aralan ng DOF at aprubahan ng OP alinsunod pa rin sa banking laws at mga regulasyon nito. (Rommel P. Tabbad)