SA pagbuo ni President-elect Rodrigo Roa Duterte ng kanyang Gabinete, nais kong balikan ang mga pamamaraan ng mga nakalipas na administrasyon sa paghirang ng kanilang mga kaalyado upang maging miyembro ng kanilang official family. Naging kaugalian na ito simula pa nang isilang ang Republika ng Pilipinas.

Ang aking paggunita sa nabanggit na sistema ng pagpili ay walang kaugnayan sa pagpapahayag ng bagong-halal na Pangulo ng mga miyembro ng kanyang Gabinete. Noon, ang estratehiya ng nakalipas na mga pangulo ay nakalundo sa kultura ng utang-na-loob. Totoo, isang sukdulan ng kawalan ng pagpapahalaga kung hindi tayo magpapasalamat sa mabuting nagawa ng ating kapwa, lalo na noong panahon ng kampanya. Kabilang dito ang mga kamag-anak, kaibigan, kamag-aral, kabarkada ng bagong pamunuan. Sila ang malimit na naitatalaga sa Gabinete at sa iba pang posisyon sa gobyerno. Katunayan, may ulat noon na kahit umano ang barbero ng appointing authority ay hinirang na maging miyembro ng isang government corporation.

Ang ganitong sistema ay nakalulungkot na madalas na humahantong sa mga kapalpakan at katiwalian ng mga appointee na bumabalandra naman sa pamamalakad ng administrasyon. At lalong nakalulungkot na ang naturang mga tiwaling opisyal ay hindi manlang masabihan at lalong hindi maitiwalag ng pangulo dahil nga ito ang paraan nila ng pagbabayad ng political debt: hindi sila tinitiwalag kahit na ang administrasyon ay pinuputakti ng katakut-takot na pagtuligsa.

Noon, kabi-kabila rin ang paghirang ng mga miyembro ng Gabinete na ang mga kuwalipikasyon at kakayahan ay hindi angkop sa mga tungkulin na dapat nilang gampanan. Ang Kalihim ng Pagsasaka, halimbawa, ay walang karanasan sa agrikultura: hindi man lamang nakalusong sa bukirin, hindi nakakakilala ng mahusay at mabungang binhi, ng abono at iba pang agricultural implements. Ganito rin ang nangyayari sa iba pang larangan na tulad ng Department of Justice, Environment and Natural Resources, Labor and Employment at iba pa.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Noon, may maituturing din naman na perfect appointment na batay sa integridad at katapatan. Sila ang nagiging sagisag ng marangal na paglilingkod sa bayan; sila ang produkto ng maingat na paghirang ng mga kaalyado ng presidente na tulad, marahil, ng susunod na administrasyon. (Celo Lagmay)