LUMUSONG siya sa tubig, ang binti ay nabasa (3x)

Ngunit ang kanyang ________, hindi pa rin nababasa!

Tuwing bumubuhos ang ulan at may biglaang baha, maririnig mo ang mga sutil na tambay habang kinakanta ito.

Pasipol-sipol pa habang may dumaraang babae…nang-uurot.

National

Batikang journalist binaril sa loob ng bahay sa Aklan, patay!

Palibhasa’y mga palamon dahil puro walang trabaho, andyan sila sa mga kanto at nagbibilang ng poste habang nag-aabang ng dadaan na kanilang maookray tuwing may baha.

Habang ang mga kumakayod, tinitiis ang pagsugod sa ulan at paglusong sa baha.

At ganito pa ang mga uri ng “insekto” na sumasalubong sa kanila.

Karaniwan, ang mga ganitong klase ng tao ay makikita n’yo sa mga terminal ng jeep o tricycle.

Kapag hindi mabigyan ng oportunidad na umaktong “barker,” ang bagsak ay tambay na walang ginawa kundi maghanap ng maaasar.

Walang sumisita, walang umaawat.

Para sa mga driver ng mga jeep at tricycle, normal lamang ito. Para sa kanila, ito ay isang uri ng “pang-aliw.”

Saludo ako sa Quezon City government na unang nagpasa ng batas laban sa street level sexual harassment o pambabastos sa lansangan.

Saludo rin ako kay QC Mayor Herbert Bautista dahil sa mabilis na paglagda sa ordinasang ito upang maisabatas. Ang ganitong uri ng pambabastos sa kababaihan ay hindi dapat nangyayari, lalo na’t pagod sila sa biyahe at nabasa pa sa ulan.

Sa pagdating sa bahay, nagdarabog, umiiyak. Hindi man lang makapagsumbong sa magulang dahil nag-aalinlangan. Ayaw ding makadagdag pa sa kanilang problema.

At ganito pa ang kanilang aabutin sa pagsakay sa jeep o tricycle.

Nakasaad sa Gender and Development Ordinance ng QC government na pagmumultahin ang mga lalabag ng P1,000 hanggang P5,000. Depende sa desisyon ng korte, posible ring ipakulong ang mga urot ng isang araw hanggang isang taon.

Ipinagbabawal din ang “stalking” o pagbuntot sa babae ng mga manyakis, pagpaswit, at pagtawag sa mga dumaraan ng “sexy,” “Ms. Beautiful,” o “mahal ko.”

Malaki ang magiging papel ng mga opisyal ng barangay hinggil dito.

Dati, mahirap patunayan kung talagang nangyari ang pambabastos dahil karaniwang hindi nakikipagtulungan ang mga driver dahil sila’y “naaaliw” sa tuwing may nangyayaring pambabastos sa isang terminal.

Mga manyakis sa kalsada, bilang na ang mga araw n’yo!

Babala!

And’yan ang mga CCTV. Bagamat nai-record ang akto ng pambabastos pero hindi nakuha ang mga binigkas ng manyakis na tambay, and’yan naman ang cell phone camera. Sa mga pasahero, alerto lang dapat.

Mayor Bistek, excited na kami sa mga masasampolan! (ARIS R. ILAGAN)