ANG isa sa mga pinangalanang miyembro ng Gabinete ni President-elect Rodrigo Duterte, si dating North Cotabato Gov. Manny Piñol, ay nagsimula nang magtrabaho upang kapag pormal nang nagsimula ang bagong administrasyon sa Hunyo 30 ay hindi na magsasayang ng oras ang Department of Agriculture sa pagpapatupad ng mga programa ng kagawaran.
Napag-iwanan ang agrikultura sa pambansang pagsulong sa huling administrasyon. Nang buong pagmamalaking ihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ang pambansang ekonomiya ay masusukat sa pagsipa ng Gross Domestic Product (GDP) ng 6.9 na porsiyento sa unang tatlong buwan ng taong ito, ang pagsulong ay dulot lang ng sektor ng industriya—manufacturing, construction, at utililies—na lumago ng 8.7 porsiyento. Ang sektor naman ng serbisyo—turismo, business process outsourcing, pagbabangko, at iba pa—ay sumipa sa 7.9 na porsiyento.
Sa harap ng pangkalahatang pag-unlad na ito, sinabi ng NEDA na nananatiling matamlay ang agrikultura. Nakapagtala ito ng 4.4 na porsiyento mula sa halos pagkakasadsad sa nakalipas na taon. Ang industriya ng bigas, higit sa lahat, ang labis na nalugi hindi lamang dahil sa kakapusan sa produksiyon, na nagbunsod para sa maramihang pag-angkat sa Vietnam at Thailand; labis itong naapektuhan ng malawakang pagpupuslit ng bigas.
Sa pagsisikap na masugpo ang smuggling, inaprubahan ng Kongreso ang RA 10845 na nagdedeklara sa malawakang agricultural smuggling bilang pananabotahe sa ekonomiya, at pinatindi ang parusa. Inaprubahan din ang RA 10848 na nagpapalawig sa buhay ng Agricultural Competitiveness Enhancement Fund upang magawa ng gobyerno na magtatag ng kinakailangang mga pasilidad sa produksiyon at pagpoproseso. Ang dalawang bagong batas na ito, ayon kay Sen. Cynthia Villar, ay dapat na makatulong sa administrasyong Duterte kaugnay ng mga plano nito sa agrikultura.
Ang dalawang batas na ito ay inaprubahan ng magtatapos na 16th Congress at tiyak nang makatutulong sa administrasyong Duterte, na ngayon pa lang ay aktibo nang tinututukan ang agrikultura. Sinabi ni incoming Agriculture Secretary Pinol na nabuo na nila ang isang Food Security Blueprint, kumpleto sa mga aspeto ng irigasyon, pautang, pangisdaan, logistics, food terminals, atbp. Dalawang linggo na siyang nakikipagpulong sa mga pinuno ng iba’t ibang sektor, gayundin sa mismong maliliit na magsasaka at mangingisda.
Ang lahat ng pagbabagong ito ay dapat na magdulot ng tunay na malawakang reporma sa agrikultura ng Pilipinas, ang pinakamalaki nating pag-asa para sa seguridad sa pagkain para sa ating lahat, para sa mas maginhawang pamumuhay sa pamamagitan ng mas maraming trabaho sa kanayunan, at higit pang pag-alagwa sa pangkalahatang pagsulong ng pambansang ekonomiya, batay sa GDP.