At dahil siya’y sumakabilang buhay na, ibinasura ng Sandiganbayan Third Division ang mga kasong inihain laban kay dating Chief Justice Renato Corona na inakusahang nagsinungaling sa kanyang Statement of Assets, Liabilities And Net Worth (SALN) mula 2003 hanggang 2010.
Sa pagdinig na isinagawa kamakalawa, pinaboran ng Third Division ang mosyon na inihain ng mga abogado ng dating punong mahistrado na humihiling na ibasura ang kasong walong bilang ng perjury at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Iniutos din ng anti-graft court na ibalik ang P160,000 piyansa na inilagak ni Corona noong Abril 2014 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
“Because of his untimely demise we are constrained to move for the dismissal of these cases on the ground that his death extinguishes his criminal and civil liabilities,” nakasaad sa mosyon na inihain ng abogado ni Corona na si Reody Anthony Balisi.
Sa kabila nito, naniniwala si Balisi na maaabsuwelto si Corona sa mga kasong inihain sa kanya kung ito’y nabubuhay pa.
“Hindi sa ganitong pamamaraan gusto naming maibasura ang mga kaso (laban kay Corona,” giit ng abogado.
“Kung hindi siya pumanaw, hangad ni CJ Corona na siya’y mapawalang-sala sa mga alegasyon na ipinukol sa kanya base sa aming paniniwala na siya ay inosente,” aniya.
Pumanaw si Corona noong Abril 29 sa Medical City sa Pasig City matapos atakehin sa puso. (Jeffrey G. Damicog)