MAGTATAPOS sa June 24 ang Afternoon Prime serye nina Bea Binene at Derrick Monasterio na Hanggang Makita Kang Muli. Doble ang lungkot ng kanilang fans dahil mawawala o wala na rin ang sitcom na Vampire ang Daddy Ko na tampok din ang magka-love team.
Hindi alam ng fans kung saan pa nila mapapanood ang favorite love team nila.
Siguro naman may plano ang GMA-7 sa tambalan nina Bea at Derrick at hindi nila hahayaang basta na lang mawala.
Maghintay lang ang fans, at sa ngayon ay subaybayan pa rin ang Hanggang Makita Kang Muli hanggang sa pagtatapos nito.
Samantala, masaya si Bea na naproklama nang vice president si Leni Robredo na masugid niyang sinuportahan.
Napakaganda ng kuwento sa post ni Bea sa kanyang Facebook account tungkol sa pagiging celebrity volunteer niya ni Leni kaya ilalabas namin ito nang buo rito.
“Bago magsimula ang campaign period, tinanong na ako kung gusto kong maging parte ng Women for Leni o Lakas ng Kababaihan para kay Leni Robredo, isang grupo ng kababaihan na volunteers mula sa iba’t ibang sektor na magpapakilala at susuporta kay Cong. Leni, na isang VP Candidate. Ako daw ay magre-represent ng kababaihan/youth.
“Nu’ng una, nagdalawang-isip pa ako, dahil kilala ko lang siya bilang asawa ni late Sec. Jesse Robredo. Ayoko naman na tumaya sa isang pulitiko na hindi ko naman kilala at hindi ko alam kung ano ang kanyang hangarin sa ating bansa.
Lalo na isa akong first time voter, kung susuportahan ko siya, dapat iboboto ko din siya, pero ayokong masayang ang boto ko kaya pinag-isipan ko muna. After a while, I googled, met her a few times. I was able to talk to her, knew her interests in our country, and I said yes to Women for Leni right away. Dahil nakita ko ang pagka-sincere niya.
Isang taong malumanay magsalita, pero totoo. Isang napakasimpleng tao pero napakatalino. Isang taong alam na alam kung ano ang gusto niya at kung ano ang gagawin niya sa ating bansa kung siya ay papalarin.
“Isang bagay kaya ko siya mas nagustuhan, ay dahil hindi siya tumakbo para sa sarili niyang intention, hindi siya tumakbo bilang maging stepping stone niya ang posisyong ito para maging presidente balang araw. Tumakbo siya dahil gusto niyang mas marami pa siyang matulungang Pilipino.
“Nakapunta ako sa kanyang campaign sorties ng mga 6 o 7 na beses. Nakasama ko mismo si Cong. Leni, ibang miyembro ng Women for Leni, o di kaya si Aika (Robredo) at Kuya Dingdong (Dantes). Nakakatuwa dahil nakapagbukas ito ng isang bagong mundo para sa akin. Nasanay ako na may security ‘pag may out-of-town events, pero nagtaka ako sa campaign na ito, dahil ang kasama lang namin ay isang close-in staff from Team Leni at minsan photographer. Sabi ng close-in ko, ‘ay, pasensya ka na, ha, kasi kahit si Ma’am Leni, hindi nagsi-security.’ Nakapunta ako sa iba’t ibang lugar hindi bilang isang aritsta kundi bilang isang Pilipino na umaasang may magandang kinabukasan pa ang ating bansa.
“May isang campaign kami na hinding-hindi ko makakalimutan. Ito ‘yung nag-ikot kami sa Pangasinan kasama si Aika at Kuya Dong. Nakakatuwa kasi ang dami naming nakitang sumusuporta kay Cong. Leni. Hindi ko ito makakalimutan dahil dito, nag-motorcade kami simula 7 AM hanggang 5 PM, 5 PM na kami kumain ng lunch, at naka-3 speech ako sa isang maghapon.
“Pero nakakawala nga din pala ng pagod ‘pag nararamdaman mo ang init ng pagtanggap ng mga Pilipino. Simula nang maranasan ko itong campaign na ito, mas humanga ako kay Cong. Leni at sa Team Leni na sumusuporta para sa kanya. Ako nga, sa isang araw na ‘yun sa Pangasinan, pagod na, ano pa kaya sila at si Cong. Leni na halos araw-araw ginagawa ito sa loob ng 3 buwan na kampanya.
“Nakakatuwa, dahil simula nu’ng umpisa, nakita ko ang hardwork ng lahat para makarating tayo sa kung nasaan tayo ngayon. Nagpapasalamat ako sa Team Leni, dahil binuksan n’yo ang isang bagong mundo para sa akin. Salamat dahil naging isang magandang experience ang kauna-unahan kong eleksiyon. This photo was taken after her first presscon, during the unofficial canvassing of votes. Nakakatuwa dahil hindi pa man sigurado ang pagkapanalo niya noong oras na ‘yun, ramdam ko na ang saya ng mga tao ‘pag nakikita namin na tumataas ng mga boto para sa kanya. Du’n pa lang, sulit na lahat ng pagod.
“Sa mga taong nagdadalawang-isip sa kanya, sana mas makilala ninyo siya bilang si Leni Robredo, at nang hindi dahil sa kanyang kulay o partido.
“’Pag sinasabi kong walang bayad itong pagsuporta ko kay Cong. Leni, may mga kakilala ako na nagtataka, sabi nila, ‘O, pulitiko ‘yan, ah, dapat may bayad ka diyan dahil may budget ‘yan.’ Na-realize ko na hindi naman lahat nadadaan sa bayad. ‘Pag naniniwala ka sa isang tao, gagawin mo ang lahat para suportahan siya, hindi mo na iisipin ang bayad.
Lalo na sa isang taong katulad niya na hindi isang pulitiko kundi isang public servant na may magandang hangarin sa ating bansa.
“Kay Cong. Leni or should I say, VP Leni, salamat po. It was an honor to meet a genuine person like you, ma’am. Some people may bring you down, but I, and many of us will always be here to support you. Congratulations po sa iyo at sa lahat ng Pilipino.
“Sinasabi ko palagi sa mga speech ko noong kampanya, sana ay pagkatiwalaan natin si Congresswoman Leni, at sa tulong nating lahat, si VICE PRESIDENT Leni Robredo.
“Ayan na nga, sa tulong nating lahat, the best woman won. From 1% to Vice President.
“PS: Pasensiya na sa mukha ko, tuwang-tuwa kasi ako nang makita ang VP ko that time. Hehehe...” (NITZ MIRALLES)