LAUSANNE, Switzerland (AP) — Magpupulong ang mga lider ng International Olympic Committee (IOC) para plantsahin ang mga nalalabing gusot sa paghahanda sa Rio Olympics.

Nakatakda ang quadrennial Games sa Agosto 5-21.

Kabilang sa mga alalahanin na bibigyan ng kasagutan ang kinatatakutang Zika virus, wala pa sa ayos na venues at pasilidad, gayundin ang suliranin sa politika sa Brazil.

Nasa lamesa rin ang isyu ng doping test sa mga atleta na sumabak sa huling dalawang Olympics, bagong ebidensya sa state-sponsored doping sa Russia, gayundin ang alegasyon na nagkaroon ng vote-buying sa pagkapanalo ng Tokyo para sa hosting ng 2020 Games.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Matapos ang tatlong araw na pagpupulong simula ngayon, tutulak patungong Brazil ang mga lider ng Olympic body para personal na suriin ang mga problema sa Rio.

Inaasahan ding ipahahayag ng IOC ang listahan ng mga atleta na kakatawan sa Refugee Team sa Rio.

“I can’t recall an executive board meeting with so many issues on the agenda,” pahayag ni IOC vice president Craig Reedie sa Associated Press.

“There is a whole range of difficult issues facing the Olympic movement, led by Rio,” aniya.