Inilarawan ni President-elect Rodrigo Duterte nitong Martes si Xi Jinping ng China na “a great president”, sa isa pang pahiwatig na muling iinit ang nagyelong relasyon ng magkatabing bansa.

Hitik sa papuri si Duterte para kay Xi sa isang news conference bilang sagot sa mga katanungan tungkol sa mensahe ng pagbati ng Chinese president sa panalo niya sa halalan noong Mayo 9.

Ngunit ang matagal nang mayor ng katimogang lungsod ng Davao, na binatikos sa kakulangan ng karanasan sa foreign policy, ay tila hindi sigurado sa titulo ni Xi.

“I was honoured, receiving a congratulatory message from a great president, uh prime minister,” sabi ni Duterte.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ng Chinese foreign ministry noong Lunes na lumiham si Xi kay Duterte matapos ang panalo nito, isang standard diplomatic tradition para sa mga head of state.

Umasim ang relasyong China-Pilipinas sa panahon ng anim na taong termino ni outgoing President Benigno Aquino, na ang gobyerno ay nagsampa ng kaso sa United Nations tribunal kaugnay sa pag-aangkin ng mga Chinese sa halos buong South China Sea. Inaasahang ilalabas ang desisyon sa mga susunod na linggo, at ang tugon dito ng Pilipinas ay nakasalalay na kay Duterte, na mauupo sa puwesto sa Hunyo 30.

Kabaligtaran ni Aquino, sinabi ni Duterte na handa siyang makipag-usap sa China kaugnay sa isyu. Ngunit nagpakita rin siya ng pagkamakabayan nang sabihin niyang sasakay siya sa jet ski para itanim ang watawat ng Pilipinas sa pinagtatalunang mga isla sa dagat.

Binigyang-diin din ni Duterte nitong Martes na hindi siya lubusang aasa sa United States, ang dating colonial ruler at pinakamahalagang military ally ng Pilipinas.

“We will be chartering a course of our own. It will not be dependent on America, and it will be a line not intended to please anybody but the Filipino interest,” aniya. (Agence France-Presse)