SA tantsahang magdadalawang dekada na ‘ko bilang mamamahayag, ngayon ko lang naranasan ang pagkakaroon ng pangulo na kung magpatawag ng “press conference” ay halos hatinggabi na! Habang tulog na ang karamihan ng pamilyang Pilipino, heto, at ang susunod na “ama ng bayan” ay gising na gising at gumagawa ng balita. Only in the Philippines, at only in Davao, wika nga. Kagawian na ito ni President Rodrigo Duterte.

Sa edad na 70, mahirap na baguhin ang ganitong nakasanayan na kung saan sa gabi mas aktibo ang pangulo, dahil nga noong alkalde pa siya ng Davao, batid nito na ang krimen at kabulastugan ay nagaganap sa lilim ng buwan. Kung gusto mo nga naman makahuli ng magnanakaw, pusher, at ano pang uri ng kampon ni Satanas, sa dilim ka magmasid at magtanod.

Sa nabanggit na press conference malutong na ipinahayag ni President Duterte, “Kawawa talaga ang Pilipinas. Kinakawawa tayo ng China, pati Malaysia kinakawawa pa tayo”. Kaugnay ito sa patuloy na sigalot sa West Philippine Sea (WPS) kung saan patuloy sa pag-angkin ang China sa nasabing karagatan na pasok sa teritoryo ng Pilipinas. At kung walang pulong makamkam, ay ginagawan ng paraan magbapor ng buhangin, ilagak, at ipunin sa dagat upang magkaroon ng mga bagong isla. ‘Di ba’t nabanggit dati ni Digong sa debate na plano niyang mag-jet ski patungong Spratly upang itanim ang bandila ng Pilipinas sa harap ng mga Intsik? At bahala na sila kung anong gawin nila sa pangulo natin dahil laon ng pangarap daw nito maging bayani!

Gayundin ang matagal nang nilalangaw na suliranin sa Sabah na kinubkob ng Malaysia ay nadantayan din ng pansin.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Malinaw na ipinahayag ni Duterte na tayo ang may-ari ng WPS at Sabah. Sa mga nagdaang administrasyon, ngayon lang nangyari na umamin ang pinakamataas na opisyal ng bansa na kinakawawa tayo ng Malaysia. Ibig sabihin, may problema pala tayo, at pilit lang tayo minamalik-mata ng mga nagdaang presidente. Basta ba masabuyan ng pakimkim ng Malaysia, halimbawa, negosyong pumapasok tulad ng Maybank, tulong (kunyari) sa usapang pangkapayapaan na ang layunin pala ay sikretong pumartida sa kalaban ng Pamahalaan, nariyan ang pondo sa kampanya ng mga pulitikong maaaring lapitan, at ang “Hudas” kay Kristo, ay “lagyan” ang bulsa para mapahinuhod. (Erik Espina)