MAGIGING bangungot sa seguridad (security nightmare) ang plano ni President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) na magbiyahe nang balikan mula Davao City patungong Maynila para magtrabaho bilang bagong lider ng bansa. Magsisimula raw ang kanyang trabaho mula ala-una ng hapon hanggang hatinggabi o madaling-araw. Pagkatapos nito, siya ay babalik sa Davao upang matulog o pag-aralan ang mga papeles na nasa kanya. Itinuturing niya ang Davao City bilang comfort zone.

Bukod sa security nightmare na posibleng maranasan ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG), maaari ring lumikha ng malaking trapiko sa paliparan ang araw-araw na balikang biyahe ni Mang Rody dahil pauunahin munang lumipad ang kanyang eroplano kaysa ibang mga eroplano. Naranasan ko ito at ng aking ex-GF nang makasabay namin si PNoy na nakatakdang umalis ng ibang bansa noong panahong iyon. Nabalam ang aming biyahe dahil pinaunang lumipad ang kanyang eroplano at naka-hold ang aming paglipad para sa seguridad at ginhawa ng binatang Pangulo.

Dapat tandaan o malaman ni RRD na maging sa US, ang mga pangulo roon ay namamalagi sa White House kahit sila ay nagmula pa sa malalayong lugar. Halimbawa rito ay si Bill Clinton na mula sa Little Rock, Arkansas at si Barack Obama na mula sa Chicago, Illinois. Sila ay naobligang tumira sa White House kahit ang kanilang comfort zones ay Arkansas at Chicago. Payuhan sana siya ng mga adviser tungkol sa bagay na ito. Siya ay presidente na at hindi na mayor ng Davao City.

Tandisang sinabi ni President Rody sa unang pulong at pagpapakilala sa magiging miyembro ng kanyang gabinete na siya ay magiging “harsh” o malupit sa illegal drugs, kurapsiyon at kriminalidad. Ang mga hinirang raw niya ay pawang nagtataglay ng “integrity and honesty” kaya hindi niya pakikialaman o aatasan kung ano ang dapat nilang gawin.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Gayunman, lagot sila kapag gumawa ng tiwaling aktibidad. Bahala sila, pero ang kanyang marching orders ay paulit-ulit: Lipulin ang drug lords, dealers, pushers, at tabasin ang kurapsiyon at kriminalidad na nagpapahirap sa bansa.

Bukod dito, nais niyang mawala ang mahabang pila sa mga tanggapan ng gobyerno. Panahon na raw ngayon ng computer kaya lahat ng transaksiyon ay dapat matapos sa loob ng 72 oras. Sa sangay ng hudikatura, kakausapin niya ang mga hukom at pakikiusapang itigil ang pag-abuso sa pag-iisyu ng temporary restraining order (TRO). “TRO nang TRO. The TRO simply means money for the judges. They have to stop it.” Babaklasin din niya ang mga umano’y bulok na ahensiya, gaya ng BIR, BoC, Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) at iba pang tiwaling departamento.

Ilulunsad din niya ang bounty system at magkakaloob ng P3 -milyong pabuya sa mga tao o security forces na makatutulong sa pagsugpo sa mga drug lord-trafficker, patay o buhay man. Sa panig ng NBI, sinabi niya sa incoming director na kapag may isang NBI agent na sangkot sa illegal drugs, patayin ito. “I want you to kill him personally.

I want you to do the killing.”

Hindi rin nakaligtas sa mapangahas na dila ni RRD ang tungkol sa media men o journalists na napapatay. Sila raw ay mga corrupt na tumatanggap ng pera pero binabanatan pa rin ang nagbibigay sa kanila kaya sila pinapatay. Medyo mali ka yata rito Mr. President-elect, sapagkat papaano mo sasabihing ang broadcaster-environmentalist na tulad ni Doc Gerry na pinatay sa Palawan, ay bayaran? Paano mo sasabihing ang mga biktima (32 media people) ng Maguindanao massacre na umano’y kagagawan ng mga Ampatuan, ay corrupt din at bayaran? (Bert de Guzman)