Walang dahilan para imbestigahan ng Senate Committee on Electoral Reform ang napaulat na dayaan noong nakaraang halalan.
Ayon kay Senator Aquilino Pimentel III, chairman ng komite, hindi sapat ang ebidensiya na iprinisinta ng tatlong umano’y testigo.
Ang tatlo, kasama si Pastor Boy Saycon, ng Council of Philippine Affairs (COPA), ay nagtungo sa Senado nitong Lunes upang ihayag ang kanilang mga nalalaman tungkol sa umano’y dayaan.
Sinabi ng tatlo na nagmanipula sila ng vote counting machine Quezon para magkaroon ng “bawas dagdag” sa mga boto.
Tinukoy pa ng tatlo na ang Liberal Party (LP) ang nagmaniobra ng dayaan, na agad namang itinanggi ng partido.
Ayon kay Pimentel, hindi siya kumbinsido sa pahayag ng tatlong sinasabing testigo, at ipauubaya na lang niya ang imbestigasyon sa Commission on Elections (Comelec).
Aniya, bukod sa hindi sapat ang ebidensiya, wala na ring sapat na panahon ang Senado para magsiyasat dahil nakabakasyon na sila sine die.
Maging ang Comelec ay diskumpiyado rin sa sinabi ng mga testigo, dahil marami naman daw ang may hawak ng VCM pero ni isa ay wala namang nagsabi na may dayaan. (LEONEL ABASOLA)