CEBU CITY – Nasa 700 job-order (JO) worker sa Cebu City ang hindi na pinapasok sa trabaho simula kahapon, Hunyo 1, matapos na i-terminate ng acting mayor ng lungsod ang kanilang serbisyo.
Ang mga nasabing manggagawa ay tinanggap nitong Enero at ang kanilang mga kontrata ay nakatakdang magwakas sa Hunyo 30, ngunit sinabi ni acting Mayor Margarita Osmeña na ang pamahalaang lungsod ang magpapasya sa pagtatanggal sa mga manggagawa bago pa matapos ang kontrata ng mga ito dahil sa “lack of funds or when their services are no longer needed”.
Sa memorandum na ipinalabas sa iba’t ibang kagawaran sa Cebu City Hall, ipinag-utos ni Osmeña ang termination sa serbisyo ng ilang JO worker at inatasan ang mga nabanggit na empleyado na ibalik ang anumang kagamitan ng gobyerno na ipinagkatiwala sa kanila.
Ang 700 manggagawa na tinapos na ang serbisyo ay bahagi ng nasa 2,000 JO worker sa siyudad.
Ang natitirang 1,300 ay hindi ite-terminate dahil kailangan pa ang serbisyo ng mga ito at konektado rin sa mga umiiral na proyekto at programa ng lungsod. (Mars W. Mosqueda, Jr.)