BEIJING (Reuters) – Umaasa ang China na muling bubuti ang relasyon sa Pilipinas, sinabi ni President Xi Jinping kay Philippine President-elect Rodrigo Duterte, matapos pumait ang mga ugnayan dahil sa pag-aagawan sa mga teritoryo sa South China Sea.
Nagpaabot ng mensahe si Xi kay Duterte nitong Lunes ng gabi na bumabati sa opisyal na pagkakahalal ng huli, at binanggit ang mahabang kasaysayan ng friendly exchanges at malalim na traditional friendship ng dalawang bansa, sinabi ng Foreign Ministry ng China.
“The friendly, stable and healthy development of Sino-Philippine relations accords with the basic interests of both countries and both peoples,” wika ni Xi sa bahagi ng pahayag ng ministry.
Ang dalawang bansa ay may responsibilidad na palalimin ang kooperasyon, aniya.
“(I) hope both sides can work hard to push Sino-Philippine relations back onto a healthy development track,” ani Xi.
Nagkairingan ang China at Pilipinas sa South China Sea, isang mahalagang bahagi ng tubig na dinaraanan ng $5 trillion halaga ng mga kalakal sakay ng barko kada taon. May kanya-kanyang bahagi rin na inaangkin ang Brunei, Malaysia, Taiwan, at Vietnam.
Tumaas ang tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China habang naghahanda ang international tribunal sa The Hague na ilabas ang desisyon nito sa mga susunod na buwan sa kasong inihain ng Manila noong 2013.
Hinihiling ng Pilipinas ang paglilinaw sa maritime laws ng United Nations na magpapahina sa pag-aangkin ng China sa 90 porsiyento ng South China Sea. Isinantabi ng China ang awtoridad ng korte sa kaso.