Magbitbit ng payong dahil sasalubungin ng ulan ang pagsisimula ng Hunyo na maaaring makaapekto sa dulo ng Northern Luzon at mararanasan sa buong Luzon at Visayas pagsapit ng weekend, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa Hunyo 1 at 2, sinabi ng PAGASA na ang southwest monsoon o ‘habagat’ ay inaasahang magdadala ng manaka-naka hanggang sa mahinang ulan sa dulo ng Northern Luzon.

Samantala, ang extension ng high pressure area, isang anti-cyclone weather system, ay iiral sa silangang bahagi ng Luzon at Visayas.

Sinabi ng PAGASA na ang iba pang bahagi ng bansa ay magkakaroon ng maulap na kalangitan at paminsan-minsang pagpatak ng ulan o pagkulog at pagkidlat sa hapon o gabi.

National

PBBM sa Undas: ‘Let this day of memorial rekindle us to be better Filipinos’

Mahina hanggang katamtamang hangin mula sa southwest ang iiral sa Luzon at mula sa silangan hanggang timog silangan ng buong bansa, dagdag dito.

Ang mga baybayin sa buong kapuluan ay magiging banayad hanggang sa katamtaman.

Pagsapit ng Hunyo 3, maaapektuhan ng habagat ang Luzon at Visayas at maaaring magdala ng mahina hanggang katamtamang ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas. Magpapatuloy ang ganitong panahon hanggang sa Hunyo 6.

Ang Mindanao ay magiging maulap na may manaka-nakang pagpatak ng ulan o pagkulog at pagkidlat sa hapon o gabi.

(ELLALYN DE VERA)