Asam ni 1-Pacman Partylist Congressman Dr. Mikee Romero ang kumpletong pagbabago sa kalakaran ng sports, hindi lamang sa mga pasilidad kundi pati na rin sa liderato ng Philippine Olympic Committee (POC) at maging mga national sports associations (NSA).

“Change should come now,” deklarasyon ni Romero sa kanyang pagdalo kahapon sa PSA Forum.

Ayon kay Romero, napapanahon ang panawagang pagbabago ng bagong halal na Pangulo na si Rody Duterte, at kabilang sa dapat na malinis ang Philippine sports.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“It is about time,” sambit ni Romero.

“May time na sila to inflict changes dahil nalubog na tayo. We were on top in the region before but now nasa ibaba na tayo at malapit na tayong unahan ng Laos at Cambodia. We are calling on them to give way to the new sports leader. A complete revamp,” aniya.

Agad namang tututukan ni Romero bilang unang hakbang ang pagpapatupad ng programa na nakatuon sa pagtatayo ng mga makabagong pasilidad at ilang Olympic Training Center, pati na rin ang pagpapasa ng batas na magtutulak para sa pagbubuo ng Department of Sports.

“Baby steps muna tayo,” sabi ni Romero. “We need to start na ang ating mga atleta kung magsasanay ay dapat din na kapareha sila ng pagsasanay ng kanilang mga nakakalaban at hindi iyung napag-iiwanan sa pasilidad. Di ba tayo nahihiya na napakapangit ng programa natin sa sports at hindi tayo makatarget sa Top 5,” aniya.

Nais din niyang hingan ng tulong ng mga malalaking kumpanya at mga sports leaders tulad nina Wilfred Uytengsu, Manny Pangilinan at Henry Sy upang mailatag ang isang pangkalahatang programa sa sports na muling makakapag-angat sa bansa sa Southeast Asia at sa Asya.

“There is a big clamor for awakening of sports. Sana naman ay mangibabaw ang nationalism sa atin at hindi iyong puro na lamang ang mind set ng ating mga leaders ay saling pusa lamang tayo,” sambit ni Romero. (Angie Oredo)