Kung ano ang gusto ng administrasyong Duterte, makakamit nito.
Ito ang tiniyak ni Pangulong Aquino kaugnay ng paglilipat ng kapangyarihan sa susunod na administrasyon ni President-elect Rodrigo Duterte sa Hunyo 30.
“Tinanong ko sila kung ano ang kailangan nila. Araw na nila ito at handa kaming i-accommodate sila kung ano man ang kailangan nila,” pahayag ni Aquino sa panayam ng mga editor ng Manila Bulletin sa Malacañang kahapon.
“Hinihintay lang namin kung ano ang kakailanganin nila sa inaugural ceremonies,” dagdag ni Aquino.
Ito ay matapos maraming mabulaga sa kakaibang pagtrato ni Duterte sa mga opisyal na seremonya na ipinagkaloob na at ipagkakaloob sa kanya bilang susunod na pangulo ng bansa.
Nitong Lunes, hindi dumalo si Duterte sa kanyang proklamasyon na pinangasiwaan ng Kongreso bagamat sumipot sa okasyon si Vice President-elect Leni Robredo.
Ang idinahilan ni Duterte: Wala pa siyang dinadaluhan na proclamation ceremony simula nang mahalal siyang alkalde, bise alkalde at maging kongresista ng Davao City sa nakalipas na mga taon.
Kilalang simple at diretsahan kung makitungo, mas ninais pa ni Duterte na makihalubilo sa kanyang mga tagasuporta na dumagsa sa Davao City sa halip na dumalo sa kanyang proklamasyon sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.
Una ring sinabi ni Duterte na hindi siya kumportableng magsuot ng Barong Tagalog dahil “ito’y sinusuot lamang ng kanyang mga kaibigan na sumakabilang buhay na.”
Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan na hindi naiproklama sa Kongreso ang isang nahalal na Pangulo ng bansa.
Samantala, tumanggi na si PNoy magkomento hinggil sa istilo ng pamumuno ng bansa ni Duterte.
“I promised that I will not comment on my successor, incoming assumption of office at least for a year. I would want to grant him that which was not granted to me,” ayon kay Aquino. (GENALYN D. KABILING)