Tinatayang aabot sa P1 bilyon ang halaga ng shabu na nasamsam sa isang drug laboratory, na sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at Angeles City Police, sa Pampanga, kahapon ng umaga.

Dakong 5:00 ng umaga nang salakayin ng awtoridad ang umano’y imbakan ng shabu sa Villa Dolores Subdivision sa Angeles City, Pampanga.

Ayon sa intelligence report, inupahan ang lugar ng isang grupo ng Taiwanese ilang buwan na ang nakararaan. Hinala ng pulisya na chemist ang mga Taiwanese na nasa likod ng pagpoproseso ng shabu.

Nadiskubre sa naturang bahay ang nakaimbak na 55 galon ng liquid shabu, na nagkakahalaga ng mahigit P1 bilyon kapag naproseso o naluto para maging shabu.

Metro

High-grade marijuana, <b>nasabat ng pulisya matapos i-deliver sa fast food resto</b>

Ang liquid shabu ay inilalagay sa freezer at nagiging solido o bato ito bago iproseso sa laboratoryo upang maging pulbos.

“Ang liquid shabu ay huling bahagi sa pagpoproseso nito, ‘yung crystallization,” pahayag ni Senior Supt. Leonardo Suan, pinuno ng PNP-Anti-Illegal Drugs Group.

“Kapag inilagay sa freezer, magki-crystalize ang liquid shabu at ang gagawin mo na lang ay gumamit ng suction pump upang maalis ang liquid,” aniya.

Kasalukuyang iniimbestigahan at iniimbentaryo ang mga nakumpiskang liquid shabu at kagamitan sa paggawa ng ipinagbabawal na droga, habang patuloy ang kampanya ng PDEA at PNP laban dito.

“Suspetsa namin na gagawin itong lugar na isang full-blast shabu laboratory. Mayroon na silang equipment sa loob at mga kemikal,” ani Suan.

Aniya, may dalawang linggong sinubaybayan ng grupo ang nasabing shabu warehouse bago isinagawa ng pagsalakay dito.

(Jun Fabon at Aaron Recuenco)