Kevin Durant

OKLAHOMA CITY (AP) – Sa pagtatapos ng NBA season, nakatuon ang pansin sa merkado para sa “free agency”.

Malalaking pangalan, kabilang ang mga itinuturing na superstar sa liga ang paparada para sa pagkakataong makapaghanap ng bagong koponan. Ngunit, sa lahat, iba ang dating ni Kevin Durant.

Samu’t sari ang opinyon at ispekulasyon sa patutunguhan ng career ni Durant matapos ang nakadidismayang kabiguan ng Oklahoma City Thunder sa Golden State Warriors sa kabila ng tangan nilang 3-1 bentahe sa Western Conference finals.

Human-Interest

AI software na detector ng bara sa puso, inimbento ng Grade 11 students

Hindi masagot ni Durant ang katanungan ng media, ngunit malinaw sa lahat na nasa balag ng alanganin ang kanyang kinabukasan sa Thunder.

“We just lost like 30 minutes ago, so I haven’t even thought about it,” sambit ni Durant sa post-game media conference sa Game Seven.

“I’ll think about that stuff, I don’t know when. But we just lost an hour ago, 30 minutes ago, so I don’t know.”

Habang nagpapababa ng tensiyon si Durant dulot ng kabiguan, patuloy ang katanungan hinggil sa kanyang career sa NBA.

Sa Hulyo 1, opisyal nang “free agent” si Durant at inaasahang nakatuon ang pansin ng lahat sa kanyang magiging desisyon.

May pagkakataon siyang manatili sa Thunder na pinaglaruan niya sa loob ng siyam na season o maghanap ng bagong koponan na may mas malaking kontrata at tsansang maging kampeon.

Kabilang din sa free agency sina All-Star DeMar DeRozan ng Toronto, Al Horford ng Atlanta, guard Mike Conley ng Memphis at Dwight Howard ng Houston.

Kung gagamitin nina LeBron James, Dwyane Wade at Dirk Nowitzki ang “players option” sa kanilang kontrata, puwede rin silang makipag-usap sa ibang koponan, ngunit inaasahang mananatili ang tatlo sa kani-kanilang tahanan.

Nasa kamay ni Durant ang kanyang kinabukasan. Maging ano man ng kanyang desisyon, isa lamang ang sigurado – mananatili siyang superstar sa NBA.