Ganap nang batas ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na nagtataas ng tax exemption sa mga balikbayan box ng mga overseas Filipino worker (OFW).

Nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III bilang batas ang CMTA o Republic Act 10863, na nag-update sa Tariff and Customs Code, huling inamyendahan noong 1978, at magsasamoderno sa mga pasilidad, procedure, at pangkalahatang operasyon ng Bureau of Customs (BOC) nitong Lunes.

Itinataas din nito sa P150,000 ang halaga ng mga pasalubong o bagahe na maaaring ipadala o iuwi ng mga OFW nang walang buwis mula sa dating P10,000.

“With the increase in the values, we lessen the discretion of the Customs officials to inspect goods and collect taxes, thus minimizing cases of corruption and smuggling. Huwag naman sana natin parusahan ang ating mga OFW sa pamamagitan ng pagpataw ng mataas na buwis at sa mga umano’y pangangalkal at pagnanakaw sa mga padala sa loob ng balikbayan boxes,” sinabi kahapon ni Senator Juan Edgardo Angara, isa sa mga may-akda ng naturang batas.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Nakasaad sa batas na maaari nang magpadala, duty-free, ng P150,000 halaga ng balikbayan box ang mga OFW sa loob ng isang taon at dapat na pang-pamilya ang mga produkto.

Hindi rin bubuwisan ang bagahe ng mga Pinoy na nanirahan sa ibang bansa sa loob ng sampung taon kapag hindi lalagpas sa P350,000 ang halaga ng mga ito.

Ang mga Pinoy naman na nanirahan ng limang taon sa ibang bansa, ay hindi sisingilin ng buwis kapag hindi lalagpas sa P250,000 ang halaga ng mga iuuwing bagahe, habang ang mga hindi lumampas sa limang taon ay mabibigyan ng tax exemption sa P150,000 bagahe.

Umaasa si Angara na masusupil ng bagong batas ang mga katiwalian sa BOC.

“The CMTA aims to overhaul and modernize the bureau which has long been perceived as one of the most corrupt and underperforming government agencies in the country. Kahit si President-elect Rodrigo Duterte ay gusto nang buwagin ang ahensiyang ito. Pero umaasa tayo na sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas na ito at sa tulong ng bagong administrasyong Duterte, magbabago at maisasaayos ang kalakaran ng Customs,” dagdag ni Angara. (Leonel Abasola)