Tatangkain ni Pinay boxer Norj Guro ng Iligan City na maagaw ang World Boxing Council (WBC) world female minimumweight title kay champion Yuko Kuroki sa Hunyo 6, sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.
Kasalukuyang nagsasanay ang 26-anyos na si Guro sa MP-Highlands Gym sa Manila, ayon sa kanyang business manager na si Brico Santig ng Highland Promotions.
Tangan ni Guro ang kartang pitong panalo, limang talo at isang draw, tampok ang apat na TKO, habang si Kuroki ay may 15-4-1 karta, kabilang ang 7 TKO.
Ito ang ikaapat na title defense ni Kuroki sa titulong napagwagihan niya via unanimous decision sa kababayang si Mari Ando noong Abril 17, 2014 sa Osaka, Japan.
Unang nagdepensa ang 25-anyos na Japanese southpaw kontra kay Katia Gutierrez ng Mexico noong Nobyembre 1, 2014 sa Fukuoka, Japan. Nagwagi siya sa isa pang Haponesa na si Masae Akitaya sa unanimous decision noong Abril 9, 2015 sa Osaka, bago nanalo kay Thailand’s Kanittha Saknarong via third round technical knockout sa isang non title fight noong Agosto 16 sa Fukuoka.
Huling nagdepensa ang kampeon kay Mexican Nancy Franco via unanimous decision noong Disyembre 20, sa Kyuden Gym sa Fukuoka.
Galing naman sa magkasunod na kabiguan sa labas ng bansa si Guro. Natalo siya via unanimous decision kay Nao Ikeyama noong Pebrero 28, 2015, gayundin kay Mexican Jessica Chavez noong Abril 11, 2015 sa Sinaloa, Mexico.