Dalawang tune-up matches kontra sa dating Asian champion Iran ang nakatakdang suungin ng Gilas Pilipinas bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa darating na Manila Olympic Qualifying Tournament sa susunod na buwan.
Ang dalawang laro, kabilang ang isa na sinasabing gagawin ng “closed door” at ang isa naman ay idaraos sa Smart-Araneta Coliseum, sa Hunyo 7 at 8.
Tulad ng Gilas, naghahanda rin ang Iran para sa Olympic Qualifying Tournament, ngunit hindi sila rito makikipagsapalaran sa Pilipinas kundi sa isa pang OQT na gaganapin sa Turin, Italy na kasabay na idaraos ng OQT dito at sa Serbia sa Hulyo 5-11.
Umaasa si Gilas mentor Tab Baldwin na makakatulong sa kanilang preparasyon ang nasabing dalawang laro.
Sa kanilang huling pagtatagpo noong nakaraang FIBA Asia Championships sa Changsa, China, tinalo ng Pinoy ang Iranians na pinangungunahan ng 7-foot-2 na si Hammed Haddadi at ng mahusay nilang playmaker na si Mikkha Khamrani.
Bagamat pinutakti ng problema at injury sa mga naunang linggo ng ensayo, sabik na ang Gilas players sa pangunguna nina Junemar Fajardo, Jason Castro, Ranidel de Ocampo, Calvin Abueva, at Marc Pingris na muling makasagupa ang Iranians. (Marivic Awitan)