PARIS (AP) — Kung hindi magbabago ang panahon, mapapalitan ang French Open ng French Closed.

Sa unang pagkakataon sa nakalipas na 16 na taon, walang larong naidaos nitong Lunes (Martes sa Manila) matapos ulanin sa maghapon ang Roland Garros Stadium – ang tanging Grand Slam tennis venue na walang bubong.

Muli, nakiusap ang dismayadong tournament director na si Guy Forget sa management na napapanahon na para lagyan ng bubong ang pamosong stadium.

“Our roof is a necessity,” pahayag ni Forget.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Naiwan ang mga dismayadong manonood sa stadium nang isa-isang magbalikan sa kanilang hotel ang mga player nang ipahayag ng weather bureau na hindi titila ang ulan.

“I’m a bit annoyed today, to say the least,” sambit ni Forget.

Matagal nang pinagtatalunan ang paglalagay ng bubungan sa Roland Garros bilang bahagi ng modernization program sa isa sa pinakamatandang tennis court sa mundo, ngunit mas nananaig ang kahilingan ng mga residente at environmental activists.

“We knew today was going to be horrible and it went beyond what we had imagined. That’s why we sent back the players so early,” aniya.

Kung titigil ang pag-ulan sa Martes (Miyerkules sa Manila), sinabi ni Forget na sisimulan ang laro tatlong oras na mas maaga sa orihinal na iskedyul upang maibasan ang “clogging” sa laro.

Nakatakdang harapin ni top-ranked Novak Djokovic si 14th-seeded Roberto Bautista Agut sa Chatrier para sa quarterfinal slot.

Kasunod ang nabitin na duwelo sa pagitan nina defending champion Serena Williams at 18th-seeded Elina Svitolina sa fourth round. Inilipat din ang oras ng laro nina Venus Williams at 2015 semi-finalist Timea Bacsinszky sa Miyerkules.

“We have talked about that roof in Paris 15 years ago already. It is a long process,” pahayag ni Forget.

“For those in our country who are still doubting the necessity to expand, to modernize our stadium, I think we have right now the fact, the proof, that it is a necessity and we have to do it,” aniya.