MATIGAS na talaga ang ulo ng bagong halal na pangulo ng bansa. Hindi siya dumalo sa proklamasyon niya at ni CamSur Rep. Leni Robredo. Nanatili siya sa Davao City gayong pormal siyang inanyayahan ng Kongreso para daluhan ang makasaysayang proklamasyon ng unang pangulo mula sa Mindanao at unang bise presidente mula sa Bicol.
Si President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) ay isang machong alkalde, pero ayon sa mga ulat, ayaw daw niyang tumira sa Malacañang dahil may mga multo umano roon. Sanay pumatay ng mga kriminal at drug pusher si Mang Rody ngunit takot siya sa multo gayong hindi naman napatutunayan na gumagala ang mga ito sa loob ng Palasyo. May mga ulat ngang may isang kapreng nakatira sa centuries-old acacia tree sa bakuran ng Malacañang na kung tawagin ay Mr. Brown.
Tulad ng mga multong nasa Malacañang raw, wala pa namang nakakikita kay Mr. Brown sa matandang akasya na tinitirhan nito. Siya raw ay nakatabako pa. Well, hindi kaya siya nakita noon ni ex-Pres. Fidel V. Ramos, alyas Mr. Tabako?
Maging ang mga hardinero na araw-araw naglilinis sa Malacañang compound ay walang sinasabing nakita nila ang kapre sa punong akasya na nakasupalpal ang malaking tabako sa bibig. Ang nakikita raw nila ay si FVR na may tabakong walang sindi.
Sa Hunyo 13, may 25 milyong estudyante ang magsisibalik sa paaralan upang dumukal ng karunungan at maging mabuting mamamayan. Ayon sa Department of Education (DepEd), mas marami ngayon ang mag-aaral na nagpa-enroll kumpara noong 2015. Ang pagdami umano ayon sa mga opisyal ng DepEd ay bunsod ng pagpapatupad ng Kto12 program o dalawang taong dagdag sa high school.
Noong panahon ko (kelan na nga ba iyon?), sampung taon lang ang pag-aaral. Anim na taon sa elementarya, apat na taon sa high school, at apat na taon sa kolehiyo. Noon, ang mga subject ay history, grammar and literature, Philippine govt., geometry, biology, Filipino, at mga aralin na ang sources ay Philippine Prose and Poetry, Diwang Ginto, Diwang Kayumanggi, Balarila, at iba pa. Heto ako ngayon, natuto nang husto, marunong ng Filipino (Tagalog), English, at iba pa, maliban sa Geometry o Math na talaga namang napakahina ko. Para sa akin, ‘di na kailangan pa ang Kto12 program dahil dagdag na dalawang taon lang ito sa pag-aaral. Ang mahalaga ay ang pagkakaroon ng magagaling at kuwalipikadong guro.
Dinunggol ako ng kaibigan kong palabiro tungkol sa panalo nina RRD at Leni kasabay ng pahayag na ang dalawang bagong lider ay maituturing na “The Macho and the Beauty.” Ipatutupad ni Duterte ang kamay na bakal laban sa illegal drugs, dudurugin daw niya sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Lilipulin din umano niya ang mga kriminal at smuggler, tatabasin ang corrupt govt. officials, at magtatayo ng mga tren o rail transit sa Luzon (mula Metro Manila hanggang Nueva Vizcaya), sa Mindanao at Visayas. Prayoridad din umano niya ang paglutas sa krisis ng trapiko na araw-araw ay problema ng mga commuter. (Bert de Guzman)